MANILA, Philippines- Tinatayang umabot na sa 7.56 milyong sako ng milled rice ang buffer stock ng National Food Authority (NFA).
Kasabay ito ng peak season ng palay sa bansa.
Sinasabing bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtaas ng imbentaryo, naglalayong palakasin ang pagbili ng palay at matulungan ang mas maraming magsasakang Pilipino.
Sa kabilang dako, base sa datos nito lamang Abril 24, mayroong 10.1 milyong sako ng palay at 1.2 milyong sako ng milled rice ang NFA, sapat para tustusan ang buong bansa sa loob ng 10 araw.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, may natitira pang P12 bilyon na pondo para sa pagbili ng palay sa presyong P18–P24 kada kilo.
“This will support the government’s initiative to provide more affordable rice to Filipino consumers,” ang sinabi ni Lacson.
Sinasabi ng batas batas na tanging mula sa mga lokal na magsasaka lamang maaaring bumili ng palay ang NFA.
Sa kasalukuyan, bumibili ang NFA ng palay sa halagang P18 hanggang P24 kada kilo.
Tinuran ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng P20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng Kalihim na hindi lamang ito katuparan sa pangako sa kampanya ni Pangulong Marcos kundi para rin mapaluwag ang mga bodega ng NFA habang patuloy ang pagbili ng palay.
Ani Laurel, dahil sa limitasyon ng Rice Tariffication Law, hindi agad naibebenta ng NFA ang kanilang stock bago pa man dumating ang anihan.
Ito aniya ang naging dahilan ng pagbagsak ng buffer stock sa 41,285 metric tons, na katumbas lamang ng isang araw na suplay para sa buong bansa.
At para matugunan ito, inaprubahan ng NFA Council, sa pamumuno ni Laurel, ang pagtaas ng buying price ng palay hanggang P30 kada kilo, na siyang unti-unting nagpapataas muli sa imbentaryo ng ahensya.
Samantala, kasabay ng pilot run ng P20 rice program sa Visayas, na sinusuportahan ng mga lokal na pamahalaan, sinabi ng Kalihim na aktibo ring naghahanap ang Department of Agriculture (DA) ng mga legal na paraan upang mapalawak pa ang programa. Kris Jose