Home NATIONWIDE Utos ni PBBM na pag-amyenda sa Konstitusyon pinabulaanan ng Malakanyang

Utos ni PBBM na pag-amyenda sa Konstitusyon pinabulaanan ng Malakanyang

MANILA, Philippines- Hindi nagpalabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng direktiba o nagpahiwatig ng anumang layuning amyendahan ang Philippine Constitution, ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace press officer Claire Castro.

Sa palace press briefing nitong Biyernes, ipinadetalye kay Castro kung inatasan na ni Marcos ang Senado at Kamara na aksyunan ang Charter change.

Kasunod ito ng umano’y babala ni Vice President Sara Duterte sa publiko, kung saan inihayag niya na binalak ni Marcos na amyendahan ang Konstitusyon.

“Wala pa po tayong nadidinig mula sa Pangulo kaya nagtataka po tayo kung bakit naging ganito po ang naging turan ni Bise Presidente. Sa ngayon po tatak fake news yan — walang ebidensya. Wala pa pong napag uusapan po,” giit ni Castro.

Nang tanungin kung balak pa rin ng Marcos administration na isulong ang Charter change sa susunod na kongreso, sinabi ni Castro na hindi pa nila ito napag-uusapan.

“Kung ano man po ang kanyang adhikain at layunin sa mga ganitong klase ng pananalita, hindi po natin alam. Pero as far as we are concerned, tatak fake news yan,” giit ni Castro. RNT/SA