Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagtaas ng aktibidad sa Bulusan Volcano sa Sorsogon.
Ito ay matapos na makapagtala ng 94 na lindol simula 3 a.m., karamihan ay mahina at mababaw na volcano-tectonic na lindol dahil sa pagbitak ng bato, habang apat ay dulot ng paggalaw ng likido.
Ang mga lindol ay naitala hanggang 20 km sa ilalim ng bulkan, halos kalahati ay mababaw.
Mahina hanggang katamtaman din ang degassing sa summit crater at mga active vent.
Ayon sa Phivolcs, maaaring sanhi ito ng hydrothermal activity na nagdudulot ng panandaliang pagtaas ng pressure.
Nananatili sa Alert Level 0 (normal) ang Bulusan, ngunit posible pa rin ang biglaang steam-driven na pagsabog.
Pinayuhan ang publiko na iwasan ang 4-km permanent danger zone, lalo na sa timog-silangang bahagi ng bulkan, at pinaalalahanan ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa summit.
“The slight increase in volcanic earthquake activity could be caused by hydrothermal activity, which could lead to short-term pressurization of the edifice,” ayon sa Phivolcs. Santi Celario