
MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang deployment ng mga opisyal na balota at election paraphernalia para sa Eleksyon 2025, sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na may kabuuang 3,546 presinto kasama ang Special Geographic Area.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, prayoridad ang malalayong lugar bago ang mga kalapit na rehiyon, at layunin nilang matapos ang nationwide distribution sa katapusan ng Abril.
Ang mga balota ay nakapaloob sa waterproof at color-coded na kahon, at pansamantalang itatago sa mga city at municipal treasurer.
Isang bagong resolusyon ng Comelec ang nagpapahintulot sa mga treasurer na suriin ang precinct number upang matiyak ang tamang delivery.
Inaatasan din ang election officers na ipaalam sa mga partido politikal at grupo ng mamamayan ang detalye ng delivery.
Na-imprenta na ang higit 68 milyong balota noong Marso matapos ang pagkaantala bunsod ng temporary restraining orders mula sa Korte Suprema.
Natapos ang pag-iimprenta gamit ang mga makina ng National Printing Office at ng South Korean firm na Miru Systems Inc.
“We should have deployed all the ballots more or less until end of April nationwide,” ani Garcia. RNT