DALAWANG bagay ang ating napapansin ngayon ukol sa inaasal
ng nakararaming lider ng bansa ngayon.
Nakasiper ang bunganga ng karamihan ng mga kongresman at
senador sa paparating nang tag-ulan at tagbagyo na tiyak na magdudulot ng mga
grabeng pagbaha na posibleng pumatay maraming mamamayan at sumisira sa
kabuhayan at ari-arian ng mga ito.
Pero nagtatalsikan ang kanilang mga laway at umaalingawngaw
ang kanilang mga galit na boses ukol sa impeachment ni Vice President Duterte.
May napakahahalagang usapin sa habagat, tag-ulan, tagbagyo
at tagbaha at isa rito ang kontrobersya sa mga kontra o anti-flood projects
simula noong umupo ang administrasyong Marcos.
Ayon mismo kay Pangulong Bongbong Marcos nang nag-SONA siya
noong Hulyo 2024, mahigit 5,500 ang natapos nang proyektong kontra sa baha at
pinaasa niya lahat na wala nang dapat mabahala rito.
Ngunit isang araw lang makaraan, dumating ang super bagyong
Carina at nabalewala ang mga proyektong iyon nang bahain ang milyon-milyong
mamamayan sa halos buong Luzon, kasama ang Metro Manila.
Dumating ang bagyong Kristine, na-Ondoy ang Kabikulan noong
Oktubre 2024 o tatlong buwan lang makaraan ang nasabing SONA at lalong nakitang
nawalan ng silbi ang ipinagmalaki nitong mga anti-flood project.
Ang napakasakit, mga brad, sa kabila ng katotohanang mahigit
sa P600 bilyong gastos na kontra-baha mula 2023 hanggang 2024, wala man lang
nag-imbestiga nang gaya ng isinagawang imbestigasyon sa POGO o sa umano’y
kaduda-duda umanong paggasta ng confidential fund ni VP Sara.
Ang sabi, wala umanong masterplan laban sa baha ngunit paano
ang paniniwala ng mga mamamayan na nilamon ng korapsyon ang malaking bahagi
ng mga proyekto?
Bakit wala man lang kumalkal sa kawalan ng silbi ng maraming
anti-flood projects sa kabila ng mga dambuhalang pondong inilaan dito at ang
higit na maliit na confidential fund ang ikinababaliw nila?






