MULING tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang patuloy na pagbibigay ng benepisyong pangkalusugan sa mga Pilipino, sa kabila ng desisyon ng Bicameral Conference Committee na hindi maglaan ng subsidiya para sa taong 2025.
“Tinitiyak po namin sa publiko na tuloy-tuloy ang mga benepisyo binibigay ng PhilHealth. Wala pong mawawala at walang mababawas na benepisyo. Sa kabila ng zero-subsidy sa susunod na taon, sapat po ang pondo ng PhilHealth upang sagutin ang inyong gastusing medikal,” ayon kay PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.
Binigyang-diin ni Ledesma na ang desisyong ito ay nagpapakita na may tiwala ang Bicameral Conference Committee sa matatag at malusog na kalagayang pinansyal ng PhilHealth. Sa datos noong Oktubre ng taong ito, may nakalaang P281 bilyon ang ahensya bilang reserba upang tugunan ang bayad-benepisyo sa loob ng dalawang taon at may P150 bilyon na surplus. Bukod dito, may P489 bilyon din itong investment portfolio hanggang Nobyembre 2024.
Ang matatag na kalagayang pinansyal ay kayang mapangasiwaan ang zero-subsidy at pondohan ang mga bagong benepisyo na ilulunsad sa 2025 at sa mga susunod na taon.
“Ayon sa Universal Health Care (UHC) law, hindi babawasan ang kasalukuyang mga benepisyo ng mga miyembro. Patuloy po nating palalawakin at i-improve ang mga package upang mapababa ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente,” dagdag pa ni Ledesma.
Sinisiguro rin ng PhilHealth Chief sa mga miyembro na huwag matakot magpagamot at gamitin ang kanilang mga benepisyo: “Huwag po kayong matakot sa pagpapagamot, sagot po kayo ng PhilHealth.”
Pinawi rin ni Ledesma ang pangamba ng mga Indirect Contributor na maaapektuhan ang kanilang access sa healthcare dahil sa kawalan ng subsidiya. “Tinitiyak ko po, protektado pa rin ang benepisyo ng ating indigents, senior citizens, persons with disabilities, at nasa marginalized sectors, may subsidiya man o wala.”
Sa katunayan, isang bagong hanay ng mga benepisyo ang ilulunsad matapos aprubahan ng Board of Directors noong Disyembre 16. Kasama rito ang Emergency care, Optometric services, Heart surgeries, Cataract surgery at lens implantation Magkakaroon din ng 50% pagtaas sa natitirang case rate packages na hindi kasama sa rationalization track, na magbibigay ng kabuuang pagtaas na katumbas ng 95% ng case rates ngayong taon.
Samantala, ilalabas na rin ang mga alituntunin para sa mga bagong package kabilang ang Heart attacks (acute myocardial infarction), Peritoneal dialysis at kidney transplants, sampung rare diseases sa ilalim ng Z Miracles, Oral health services sa Konsulta package at Assistive mobility devices para sa mga nangangailangan ng rehabilitasyon.
Natapos na rin ng PhilHealth ang pag-rationalize ng pitong packages para sa mga nangungunang high-burden at madalas i-claim na health conditions, na may pagtaas mula mahigit 100% hanggang mahigit 200%. Sa lahat ng mga pag-unlad na ito, napahusay ng PhilHealth ang kabuuang 30 benefit packages sa loob ng dalawang taon — isang hindi pangkaraniwang tagumpay sa ilalim ng pamumuno ni Ledesma, na nanungkulan noong Nobyembre 2022.