Home NATIONWIDE Senatorial bets na namayagpag sa SWS survey kilalanin

Senatorial bets na namayagpag sa SWS survey kilalanin

MANILA, Philippines- Namayagpag ang senatorial aspirants na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pinakabagong Social Weather Stations senatorial preference survey na kinomisyon ng Stratbase Group, ayon sa resulta nitong Huwebes.

Pinapili sa survey ang 2,097 registered voters ng 12 indibidwal na posible nilang iboto bilang senador. Isinagawa ito sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula December 12-18, 2024.

Sinabi ng Stratbase Group na nagbigay ito ng listahan ng 70 pangalan sa survey nito. Tinanong ang respondents ng: “Narito po ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato para sa mga SENADOR NG PILIPINAS. Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang mga SENADOR NG PILIPINAS? Maaari po kayong pumili ng hanggang 12 pangalan.”

Sinabi ng thinkthank na inihayag ng respondents ang kanilang mga sagot.

Nanguna si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, kung saan 45% ng respondents ang nagsabing iboboto nila ito.

Mas mababa ang nakuha niya kumpara sa nakaraang SWS senatorial survey na pumalo sa 54%.

Binanggit ng Stratbase Group na sina Senators Bong Revilla Jr. at Bong Go ang “biggest gainers” sa December survey.

Umigting ang suporta para kay Revilla mula 24% noong September sa 33% nitong December, dahilan upang pumangalawa siya sa pinakabagong survey.

Samantala, tumaas ang porsyento ni Go mula 18% noong September sa 32%, na naglagay sa kanya sa ikatlo hanggang ika-apat na ranking.

Kasama niya sa ranking si Senator Pia Cayetano na nakakuha ng 32%.

Pumwesto naman ang dating mambabatas na si Tito Sotto mula second to fifth ranking sa 31%. 

Pasok din ang broadcaster na si Ben Tulfo sa Top 12 sa December survey sa ika-anim na pwesto at nakatanggap ng 30% suporta.

Si senator Ping Lacson ang ika-pito sa 27%.

Samantala, magkasama sina dating senator Manny Pacquiao at TV personality Willie Revillame sa eight-to-ninth spots.

Pasok din si Makati Mayor Abby Binay sa 10th spot. Sinundan siya ni Senator Lito Lapid sa ika-11 pwesto.

Magkasama sina Las Pinas Representative Camille Villar at Senator Imee Marcos sa 12th-14th spot na nakakuha ng 21% suporta maging si Senator Bato Dela Rosa ng PDP-Laban.

Sa media release, kinumpirma ng SWS na isinagawa nito ang commissioned survey.

Sinabi ng SWS na ang survey ay may sampling error margins na ±2.1% para sa national percentages, ±5.3% para sa Metro Manila, ±3.0% para sa Balance Luzon, at tig-±5.2% para sa Visayas at Mindanao. RNT/SA