Home NATIONWIDE Code White Alert pinairal ng DOH sa mga ospital

Code White Alert pinairal ng DOH sa mga ospital

MANILA, Philippines- Isinailalim sa Code White ang lahat ng hospital mula Disyembre 21 hanggang Enero 6 para sa inaasahang health emergencies sa gitna ng pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon, ayon sa Department of Health.

Ayon sa DOH, nangangahulugan ito na lahat ng mga doktor at nurse ay inihahanda na ang mga iskedyul kasama na rito ang mga naka-leave na kailangang ilipat ang kanilang bakasyon.

Sinabi ni DOH spokesperson Albert Domingo na kahit medyo nakaaalarma pakinggan pero aniya, “reassurance” na tuwing panahon ng Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon na naka-code white ang mga ospital.

Ang Code White Alert ay nangangahulugang lahat ng manggagawang pangkalusugan tulad ng mga general at orthopedic surgeon, anesthesiologist, internist, operating room nurse, ophthalmologist at otorhinolaryngologist na nakatalaga sa mga ospital ay nakahanda upang tumugon sa mga medikal na emerhensiya anumang oras. 

Bilang karagdagan, saklaw din ng Code White Alert ang Operations Center (OPCEN) ng mga ospital upang makipag-ugnayan sa mga tugon sa rehiyonal at sentral na tanggapan ng DOH.

Ayon kay Domingo, kadalasang tinatamaan ng paputok ay ang mata, kamay, ulo, balikat at hita. Jocelyn Tabangcura-Domenden