MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang operasyon ng EDSA Busway kahit na magsimula na ang planong rehabilitasyon sa EDSA.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, magkakaroon lamang ng mga bahagi kung saan kailangang umalis ng busway users sa nakalaang lane para sa kanila, ngunit makababalik naman sa mga lugar na walang roadworks.
“Hindi po magsasara ang EDSA Busway kahit nire-rehab ang EDSA,” ani Dizon.
“Kunyari may ginagawang portion ng EDSA, meron lang pong portion na siguro lalabas pero babalik din sa mga portion na hindi pa ginagawa o tapos na,” dagdag pa nito.
Nang tanungin kung papayagan naman ang Philippine National Police na gamitin ang busway sa mga panahon ng emergency, sinabi ng DOTR chief na pag-uusapan pa nila ang patungkol dito.
Ani Dizon, wala siyang nakikitang dahilan para magdagdag ng sinuman sa listahan ng mga indibidwal na papayagang gumamit ng busway.
“Wala dapat madagdag dun.”
Ang mga pinapayagan lamang makadaan sa busway ay ang mga convoy ng Pangulo, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, at Chief Justice. Kasama rin dito ang on-duty ambulances, fire trucks, at police cars.
Nitong Sabado, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – the National Capital Region (NCR) na ang rehabilitasyon ng EDSA ay magsisimula sa pagsasara ng EDSA busway. RNT/JGC