IPINAPAALAM ng Home Development Mutual Fund o mas higit na kilala bilang Pag-IBIG Fund na bukas na ang aplikasyon para sa calamity loan sa mga miyembro na naapektuhan ng paglindol sa Southern Mindanao at pagbaha sa Eastern Visayas.
Nitong November 17, 2023 ay niyanig ng lindol na may Magnitude 6.8 ang mga lalawigan ng Sarangani kabilang ang bayan ng Glan, Davao Occidental, General Santos City, at iba pang mga probinsya at munisipalidad sa silangang bahagi ng Mindanao.
Sa datos ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa dalawang rehiyon, apat na lalawigan, dalawampu’t isang lungsod at mga bayan, at 120 barangays ang direktang naapektuhan ng pagyanig.
Samantalang nasa 254,160 pamilya ang lubhang naapektuhan ng mabilis na pagbaha sa Samar – Leyte provinces.
Ayon kay DHSUD o Department of Human Settlements and Urban Development secretary Jose Rizalino Acuzar na siya ring Board of Trustees chairman ng Pag-IBIG Fund, naglaan sila ng pondo para matulungan ang mga miyembro nito sa panahon ng kanilang matinding pangangailangan alinsunod na rin sa direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.
Alinsunod sa patakaran ng Pag-IBIG Fund sa calamity loan, maaaring makahiram ang isang miyembro ng hanggang 80% ng kanyang Pag-IBIG savings.
May interes itong 5.95% per annum, babayaran ito hanggang three years na mayroon pang grace period ng tatlong buwan bago umpisahan ang paghuhulog. Kailangang makapag-aplay ang kwalipikadong miyembro sa loob ng 90 days mula sa deklarasyon ng state of calamity sa kanilang lugar.
Ang mabilis na pagtugon ng Pag-IBIG Fund ayon kay Ms. Marilene Acosta, chief executive officer, ay dahil naintindihan ng ahensiya ang kalagayan at pinagdaraanan ng kanilang mga miyembro.
Nakikipag-ugnayan na ang Pag-IBIG Fund branches sa local government units para sa pangangailangan sa paglalagay ng deployment desk o ng Lingkod Pag-IBIG on Wheels, para sa pagtanggap ng mga aplikasyon, at pag-aasikaso sa iba pang pangangailangan ng mga miyembro katulad ng insurance claims sa mga Pag-IBIG Housing Loan kung ang kanilang mga tahanan ay nagkaroon ng sira sanhi ng kalamidad.
Sa datos ng Pag-IBIG Fund, hanggang nitong October 2023 ay nakapaglabas na ito ng halagang Php 2.48 trillion bilang calamity loans na pinakinabangan ng 149,607 na mga miyembro.






