Home OPINION HUSGA NG TADHANA

HUSGA NG TADHANA

GUMULONG na sa Kamara de Representates ang resolusyon para imbitahan ang International Criminal Court o ICC na pumunta rito sa Pilipinas. Iimbestigahan dapat ng ICC ang mga napaulat na patayan o extra-judicial killings noong panahon na “Gyera sa Droga” o “War on Drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Mukhang susunod na rin ang kahalintulad na resolusyon sa Senado, dahil nabanggit nina Reps. Benny Abante at ni Edcel Lagman na makikipagtulungan sila sa opisina ni Sen. Risa Hontiveros para mapabilis ang pagpasa nito.  Umaasa sila na makukumbinsi si Pangulong Bong Bong Marcos na payagan ang pagpasok ng ICC dahil sa sentimyentong ilalabas ng Kongreso at Senado.

Mukhang seryoso na nga ang gobyerno ng Pilipinas na harapin at bigyang liwanag ang mga kaganapan noong panahon na marahas na drug war, kung saan ang opisyal na numero ng mga pinatay ay lampas 4,000.   Pero ayon din sa mga research ng ilang kilalang unibersidad, higit-kumulang na mga 20,000 ang talagang napatay.

Sang-ayon ako sa pag-usad ng usapin na payagan na ang imbestigasyon ng ICC.   At panahon na rin na dapat tayong bumalik bilang miyembro ng ICC.  Sa modernong mundo ngayon, ang isang tunay na demokrasya at malayang bansa ay dapat walang pagdududa sa mandato at obligasyon ng ICC.   At kahit na nga sabihin ng mga opsiyal mula sa Department of Justice at ng Solicitor General na merong mga manipis na ligal na hadlang ang pagpasok ng ICC, mas mabigat ang moral at makataong dahilan para payagan agad ang pagpunta ng ICC.

Sumama raw ang loob ni Sen. Bato dela Rosa sa mga pangyayaring ito.

Ibinalik lang naman ng taumbayan ang tanong sa kanya at mga kasamahan.   Kung walang kasalanan, bakit takot papasukin ang ICC? Kung walang itinatago, bakit may pag-aalinlangan na humarap sa imbestigasyon?

Totoo nga ang kasabihan, walang sinoman ang makatatakas sa “mahabang kamay ng katarungan”.

Sa katapusan, meron paghuhusga ang tadhana.

Previous articleCALAMITY LOANS NG PAG-IBIG FUND, MAAARI NG MAPAKINABANGAN NG MGA BIKTIMA NG LINDOL AT PAGBAHA
Next article‘ILIBING NANG BUHAY’ SI DUTERTE