Home OPINION ‘ILIBING NANG BUHAY’ SI DUTERTE 

‘ILIBING NANG BUHAY’ SI DUTERTE 

TALAMAK pa rin ang droga sa Pilipinas.

Patunay nito ang sunod-sunod na huli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga sangkot sa illegal drugs.

Kilo-kilo pa rin ang mga nahuhuling shabu na matindi kung sumira ng buhay ng mga nalululong sa paggamit.

Dapat ay wala na ang droga matapos ang kampanya noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na “tokhang” laban sa mga hinihinalang sangkot.

Hindi pa rin nadala ang marami kahit ilang buhay na ang nawala dahil sa droga. Napakarami pa ring nagtutulak, kasi’y napakarami rin ng gumagamit o tumatangkilik.

Sayang ang buhay na mga nalagas, pero hindi natin masisisi ang kampanya ng pulisya sapagkat sila ay matitigas.

Sawayin mo, takutin mo at pinatay pa nga ang iba, patuloy pa rin sa paggamit at pagtutulak ng droga ang marami.

Sabi nga, “kamay na bakal” na ang ginamit ng nakaraang administrasyon subalit tila nagbalik na naman ang talamak na illegal drugs.

Lumakas na naman ang kanilang loob. Hindi na uli sila takot. Tila mga nabuhayan at waring ngayo’y nakagaganti dahil ang dati nilang kinatatakutan na si Duterte ang ginigipit pa ngayon.

Gusto ng dayuhang International Criminal Court  na siya ay litisin at parusahan dahil sa pagpatay umano sa mga sangkot sa iligal na droga.

Mga inosente at wala raw kasing mga kasalanan ang mga napatay sa nakaraang “war on drugs” ni Duterte.

Mga inosente ba ang mga “pumapatay rin” at sumirira ng maraming buhay, karamihan ay kabataan, dahil sa itinutulak nilang droga?

Tuloy, tiyak na pangisi-ngisi ngayon ang mga drug syndicate na tila nakahanap ng mga kakamping “makapili” sa Kongreso at Senado na itinuturo si Duterte para “ilibing nang buhay” ng ICC sa sariling bayan na nais lang naman niyang maging malaya sa droga.

Nakagagalit na abala ngayon ang maraming pulitiko sa paghahanap ng paraan kung paano nila “mapapatay” si dating Pangulong Duterte sa pamamagitan ng ICC pero hindi humahanap ng solusyon para tuluyang masugpo ang mga ipinagbabawal na gamot.

Nakapagtataka ba kung bakit talamak pa rin ang droga?

 

 

 

 

 

Previous articleHUSGA NG TADHANA
Next article ‘LABAN O BAWI’ SA EKSTENSYON?