Home OPINION  ‘LABAN O BAWI’ SA EKSTENSYON?

 ‘LABAN O BAWI’ SA EKSTENSYON?

KAHAPON (Disyembre 3) ang dapat sana’y mandatory retirement ni Philippine National Police chief P/Gen Benjamin Acorda Jr. sapagkat sumapit na siya sa edad na 56.

Subalit hanggang sa sinusulat ang kolum na ito ay tahimik pa rin sa lahat ng sulok ng Camp Crame at halos lahat ay nakikiramdam sapagkat wala ngang pumuputok na balita kaugnay sa papalit kay Acorda o mananatili ba ito sa pwesto na sa madaling salita ay ‘extended’ ang serbisyo.

Noong Biyernes ay nagkaroon ng conference sa PNP headquarters ang mga director ng lahat ng mga tanggapan ng pulisya at iyon ay bilang paghahanda na nga sa pagreretiro ni Acorda.

Pero tikom ang bibig ng lahat na tila dinikitan ng ‘epoxy’ kaya’t hindi maibuka upang magsabi o magsiwalat nang mga kaganapan sa pulisya.

Gayunman, Biyernes ng gabi ay may ilang opisyal na sa Metro Manila ang nagpost sa kanilang FB Page ng “Extended. Congrats Sir!” na tila kaugnay sa ekstensyon sa panunungkulan ng chief, PNP.

Mayroon din namang taga-Camp Crame na nagsabi sa inyong Pakurot ng extended nga raw ang serbisyo sa PNP bilang hepe si Acorda. Subalit sinabi ng source na posibleng ito ay sa loob lang ng isang buwan.

Sa ekstensyon kasi  tila hindi pa nagkakasundo ang mga matataas na opisyal at consultants ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sino ang nararapat na maupo sa pwestong dapat ay nilisan na ni Acorda.

Marami nga naman kasing contenders o pagpipilian para maging hepe ng pambansang pulisya. Pero ang pinakamatunog ay si PMGen Jose Melencio Corpus Nartatez Jr., kasalukuyang regional director ng PNP-National Capital Region Police Office.

Siyempre, bagaman si Nartatez ang pinakamabigat na kalaban para sa posisyon, hindi naman kaagad sumusuko ang mga kandidato lalo na ang kanilang “backer”. Tuloy-tuloy lang ang pagbulong sa Pangulo para sa kanilang mga minamanok.

Mukha ngang si PNP chief Acorda ay si Nartatez din ang minamanok at kanyang ibubulong na pumalit sa kanya sapagkat nabanggit nito na mas maganda sana na ang papalit sa kanya ay may mas mahabang tour of duty upang mapanatili ang mga programa at proyektong ilulunsad nito.

Si Nartatez ay magreretiro sa 2027 pa.

Tama naman si Acorda dahil kailangan ang mga magagandang programa at proyekto ng isang namuno ay may ‘continuity’ o pagpapatuloy at ito naman ay sa ikagaganda ng organisasyon.

Pahabol :  Hey Mr. Fekry Dewidar, happy 1st wedding anniversary. Manlibre ka naman! (This is no joke. He! He! He!)

Previous article‘ILIBING NANG BUHAY’ SI DUTERTE 
Next articleMALA-DELUBYONG KALAMIDAD HINDI MAAWAT