Home OPINION MALA-DELUBYONG KALAMIDAD HINDI MAAWAT

MALA-DELUBYONG KALAMIDAD HINDI MAAWAT

TILA wala nang wakas ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan ngayon sa mga tinamaan ng kalamidad dulot nang walang puknat na pagbuhos ng ulan, Shear lines, lindol at low pressure area sa ilang bahagi ng bansa.

Hindi pa nga tuluyan nawawala sa panaginip ng mga kababayan sa Mindanao ang naganap na pagyanig kung saan may mga nasawi at nasirang ari-arian, inuga na naman ito ng 7.6 magnitude na lindol kasabay ng banta ng tsunami sa ilang lugar dito.

Hindi pa kabilang d’yan ang inilubog na mga lugar sa Samar lalo na sa bahagi ng norte ng rehiyon kung saan hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang ‘relief operations’ ng gobyerno bunsod sa libo-libong kababayan ang walang makain dulot nang walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan na ikinasira ng kanilang mga pananim.

Masaklap pa nito ay ‘yung mga lalawigan na madalas tamaan ng ganitong kalamidad ay mga lugar na itinuturing na mahihirap kaya naman sa kabila ng agaran at walang tigil na tulong na ipinapadala ng kinauukulan dito, hindi kaagad nakakabangon ang mga sinalanta.

Ilang bilyon nga ba ang inilalaan ng gobyerno sa ‘disaster operations’ ng mga ahensya at magkano naman ang pondo para sa kabuhayan ng mga pobreng mamamayan na kadalasan ay tinatamaan nito?

Ramdam ng sambayanan ang nais mangyari ng kasalukuyang administrasyon upang tuluyan nang makabangon sa hagupit ng krisis dulot ng pandemyang covid-19 subalit kung hindi naman paawat ang mala-delubyong kalamidad na dumarating sa bansa, aba’y malaking kwarta pa rin ang kailangang ilaan dito ng pamahalaan sa halip na gamitin na lang  sa mga makatotohanang proyekto’t programa na tuluyan nang mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng bawat isa sa bansa.

Bagaman naging parte na ng buhay ng bawat ‘Pinoy ang ganitong hamon ng kalikasan ngunit kailan pa kaya matatapos ang mga krisis na itong sadyang pumipigil sa pagbangon ng taumbayan?

 

 

Previous article ‘LABAN O BAWI’ SA EKSTENSYON?
Next articleICC AT BOMBANG KANO SA GIYERANG GAZA