MAHIGPIT nating sinusubaybayan ang giyera sa Gaza lalo’t maraming Pinoy ang apektado at sa katunayan, may mga namatay na rin sa mga ito.
Nakapaninindig-balahibo sa giyera ang paggamit ng Israel ng mga bombang napakalalaki at napakalalakas para lang marami ang mamatay at mabalda.
Pero higit na nakapaninindig-balahibo ang pagsuplay ng United States sa Israel ng nasabing mga bombang labis na nakamamatay at mapangwasak.
Ibinigay ng US sa Israel ang 100 pirasong 100 BLU-109 bunker buster bomb na 907 kilo ang bigat bawat isa, 5,400 pirasong MK84 bombs na kasinglakas ng BLU-109, 5,000 pirasong unguided MK82 bombs na 227 kilo, 1,000 GBU-39 na 130 kilo at 3,000 joint direct attack munitions (JDAM).
Isang BLU-109 ang ibinagsak umano sa Jabalia refugee camp sa Gaza na ikinamatay agad ng 100 katao at ikinawasak ng gusali roon.
Pero higit na nakapaninindig-balahibo ang pagsuplay ng mga Kano ng nasabing mga bomba dahil habang ibinabandila nila na kampiyon sila ng karapatang pantao at pagpapahalaga sa buhay, sila rin ang nagtutulak para magsagawa ang Israel ng genocide o walang habas na pamamaslang kahit sa mga inosenteng sibilyan.
Mahigit 15,000 na ang namamatay sa Gaza at karamihan sa mga ito ang mga bata at babae.
Muli, naalaala ng Lupa’t Langit ang pagngingitngit ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa umano’y nasa 6,000 katao na napatay sa giyera kontra droga na inilunsad nito.
Gusto ng ICC na usigin si Pang. Digong at ibilanggo ito, kasama ang iba pang naatasang dumurog sa mga sangkot sa iligal na droga na sanhi ng maraming krimeng katulad ng pagpatay, panggagahasa na may pagpatay, kidnapping-for-ransom na may pagpatay, carnapping na may pagpatay, pagnanakaw at panghoholdap na may pagpatay, pagkawasak ng mga pamilya, pagiging adik ng milyong kabataan at marami pang iba.
Ang tanong: Bakit isinisiper ng ICC ang sariling bunganga at tinatakpan din ang sariling mga mata sa ginagawa ng mga lider ng US bilang suplayer at sa mga lider ng Israel sa paggamit ng mga bombang pang-genocide?
Ganito rin ang postura ng ICC sa mga lider ng European Union na sumusuporta sa genocide ng US at Israel.
Alalahaning ang European Union ang pinakamalakas na nagtutulak sa ICC na makialam sa Pilipinas laban kay Pang. Digong para umano sa human rights at katarungan.
Batay sa nagaganap sa giyerang Hamas-Israel, higit pa sa doble-kara ang tawag sa postura ng ICC sa Pilipinas.
Pwe!