Home OPINION MEGA MANILA HANDA NA BA SA LINDOL?

MEGA MANILA HANDA NA BA SA LINDOL?

SABI ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, gagalaw ang West Valley Fault sa Mega Manila anomang araw sa mga panahong ito.

Ito’y dahil napatunayan na ang paggalaw ng bitak ng lupang ito sa kada 200-400 taon at naganap ang pinakahuling paggalaw nito noong 1658.

Ngayon nga, 364 taon na ang nakararaan mula sa lindol noong 1658 kaya naman posible nang magkalindol sa lakas na magnitude 7.2 pataas.

May nakikitang mga bitak ng lupa ng West Valley Fault sa Bulacan, Quezon City, Makati, Marikina, Pasig, Muntinlupa at palatandaan ito na maaaring mababaw o ilang kilometro lang sa ilalim ng lupa ang gagalaw na mga bitak.

Sa mapa ng Phivolcs, 100 kilometro ang haba ng bitak na magmumula sa Norzagaray, Bulacan hanggang Tagaytay, Cavite City at daraan ang bitak sa Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, pagitan ng Dasmariñas, Cavite at Sta. Rosa, Laguna at pagitan ng Silang, Cavite at Calamba, Laguna.

Maaaring gagalaw din ang 10 kilometron East Valley Fault na nasa Marikina at Rizal.

INTENSITY 9-10

Ayon sa mga pag-aaral, maaaring ang lakas o magnitude 7-9 na lindol, eh, lilikha ng 9-10 na pagsayaw o intensity sa ibabaw lupa.

Sakop ng sukatang ito ang nangyaring lindol sa Baguio City noong 1990 na magnitude 7.7 at intensity 10 na nakita naman nating ikinatumba o ikinawasak ng maraming gusali na hotel at eskwela at ikinamatay ng mahigit 2,400.

Eh, nanggaling pa ang lindol mismo sa Rizal, Nueva Ecija na nangwasak din ng isang malaking eskwela sa Cabanatuan City.

Paano ngayon ang West Valley Fault kung gagalaw at nasa sentro o gilid mismo ng mga lungsod at bayan ng Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite at Laguna?

30,000-50,000 + 100,000 AGAD MAMAMATAY

Tantiya ng mga nag-aaral sa lindol na ito na tinatawag ding The Big One, aabot sa 30,000-50,000 ang agad na mamatay mula sa guguhong mga gusali, babagsak o guguhong light railway transit at skyway at iba pa mula Norzagaray, Bulacan hanggang Tagaytay City, Cavite.

Ang provincial government naman ng Bulacan, sinasabing kung sasamang guguho ang Angat dam, maaaring may mamatay na 100,000 sa pagkalunod sa raragasang tubig na may taas na 30 metro.

Matatamaan ang mga nakatira sa mga bayan ng Angat, Norzagaray, San Rafael, Bustos, Baliwag at Plaridel.

KAHANDAAN SA THE BIG ONE NASAAN?

Ito ang malaking katanungan na dapat tugunan.

May ilang bumbero at pulis sa Metro Manila ang natanong na ng ULTIMATUM kung nasaan ang mga evacuation center sakaling magka-The Big One.

Anak ng tokwa, hindi raw nila alam.

Paano ‘yan, ha? Evacuation centers lang ang pinag-uusapan.

Eh kung mangyari ang lindol sa gabi na lahat ng kuryente at ilaw ay mamamatay at babalutin ng dilim ang lahat ng lugar?

‘Di lalong magiging inutil ang mga ito?

Paano ang mga mamamayan na matataranta at nenerbiyosin, kahit araw, nakatira man sa mga matataas na gusali o hindi o sa ilalim ng mga tulay o mga tren at skyway o nasa daanan ng baha mula sa mga dam?

Previous articleICC AT BOMBANG KANO SA GIYERANG GAZA
Next articleLotto Draw Result as of | December 3, 2023