Home OPINION CALOY, 4 FEET-11 INCHES; ISMOL BAT TERIBOL

CALOY, 4 FEET-11 INCHES; ISMOL BAT TERIBOL

SINASABING maliit lang na binata si Carlos Yulo, may tangkad lamang na 4 piye at 11 pulgada.

Pero nakita naman natin, patunay siya ng kasabihang small but terrible.

Nasa pitong bansa na puro magagaling at champion din ang nakalaban niya sa dalawang klase ng artistic gymnastics sa Paris Olympics 2024.

Sinasabi niyang muli siyang lalaban sa Los Angeles Olympics, United States sa 2028 bilang defending champion.

Matatag na paninindigan, mapanghamon na katangian. ‘Yan ang katangiang dapat taglayin ng atletang Pinoy na magdadala ng tagumpay para sa ating bayang Pilipinas.

Pero paano kung magiging Hidilyn Diaz si Yulo sa loob ng apat na taon mula ngayon hanggang 2028?

Nanalo si Hidilyn Diaz ng gold nitong Tokyo Olympics 2020 ngunit nawalan na ito ng kinang para personal na sumali muli sa Olympics.

Paano kung ganito rin ang mangyari kay Yulo?

May mahahalagang usapin dito na personal at pambansa.

Para kay Yulo, dapat niyang maayos na pangalagaan ang mga pabuyang kanyang natanggap bilang kampeon at alalahanin niyang alaga siya ng bayan dahil galing sa kaban ng bayan, hindi sa bulsa ng mga politiko, ang bahagi ng mga pabuya na kanyang natanggap.

Dapat din niyang alagaan ang sarili upang maging “fit” siya sa muli niyang laban sa 2028.

Ngunit paaano kung magiging Hidilyn Diaz ang kanyang sasapitin?

Dito dapat gumawa ang gobyerno ng paraan na makadiskubre ng iba pang katulad nina Yulo sa gymnastics at Hidilyn sa weightlifting.

Gayundin sa boksing na napatunayan din nina Nesthy Petecio, 5 feet-2 inches, at Aira Villegas, 5 feet-2 inches din, na parehong nakapitas ng mga bronze medal.

Maliliit pero kampeon.

Kung saan makatitiyak ng tagumpay, diyan tayo dapat magpokus at gumastos ng salaping bayan at hindi sa mga isport na pawang suntok sa buwan ang ating inaabot.