Home OPINION GINTONG TRONO AT GUTOM NA TAO

GINTONG TRONO AT GUTOM NA TAO

140
0

ANO-ANO ba ang mga dahilan kung bakit kinalos ang P513 bilyong panukala ni Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. para sa kanyang Department of Agriculture?

Sa halip na P513B, ginawa itong P200B ng Department of Budget and Management.

Mas mababa pa umano ang P200B ng 6 porsyento sa badyet ng DA ngayong taon na nasa P213B.

Dahil sa ginawa ng DBM o marahil ang Malakanyang na mismo, nagkagulo-gulo na hindi lang sa DA at mga ahensyang nakapaloob dito kundi mismo sa Kamara na siyang unang magtatalakay ng pambansang badyet.

Sinasabi ng ilang kongresman na hindi maganda ang ginawa ng DBM dahil hindi makakamit ang sinasabing “food security” o sapat na suplay at apordabol na pagkain ng bansa kung ganito kababa ang badyet para sa produksyon dito.

Kaya sa parte ni Sec. Tiu-Laurel, hihingi siya sa Bicameral Conference Committee ng dagdag na pondo kapag nagkatipon-tipon sa pinal na pagdedesisyon ang mga kongresman at senador sa nasabing komite.

Ayon naman sa ilang kongresman, daragdagan nila ng nasa P88B ang P200B.

MGA PROYEKTO

Para sa mga kongresman, gagastusin ang P88B bilang dagdag sa mga pondong pang-agrikultura gaya ng “solar and pipe irrigation infrastructure”  na nangangailangan ng P25B.

Kailangan din umanong madagdagan ng P10B ang pondo para sa post harvest facilities gaya ng mga bodega bilang magandang imbakan ng mga ani at P10B din para sa Rice Development Program, kasama ang pagtuklas ng mga binhi na hindi gaanong nangangailangan ng maraming tubig o madaling kainin ng uod.

Kailangan din umanong madagdagan ang pondo sa pangisdaan, kasama ang paggawa ng mga karagdagang  fishport at food terminal para mapaganda ang distribusyon at processing ng pagkain.

DBM PAGPALIWANAGIN

Tila blangko ang mga mambabatas at mismong taga-DA sa pagdedma ng DBM sa panukalang P513B para makalundag ang sektor ng agrikultura mula sa pagiging atrasado at hindi produktibo.

Ano-ano nga ba ang dahilan, kayo riyan sa DBM?

Hindi kaya isa sa mga dahilan ang malasadong performance ng mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng DA?

O kaya naman, hindi na kailangan at lusawin na lang ang ilang ahensya dahil pinopondohan lang ang mga ito nang walang gaanong ginagawa?

At kung ganoon, kailangan nang piliin ang mga ahensya na siyang pagtutuunan ng atensyon, maging ang pagbubuhos ng pondo?

GINTO VS GUTOM

Anoman ang dahilan ng DBM kung bakit ayaw nitong gastusan ang produksyon ng pagkain sa kabila ng kakapusan lagi ng mga ito, lalo na ang bigas, kasama ang mais, kaya milyon-milyong tonelada ang inaangkat ng Pinas kada taon at nanatiling napakamamahal ang mga ito, kasama ang mga isda at karne, mayroon lang tayong ipaalaala.

Ginto ang trono sa pamahalaan na riyan umuupo ang mga opisyal ng pamahalaan, halal man o appointed.

Sa gitna ng katotohanang ito, nagpapatuloy naman ang pagdanas ng higit ng nakararaming mamamayan ng malawakang gutom sa iba’t ibang antas o kakapusan at napakamamahal na pagkain.

Mag-ingat ang mga nasa gintong trono na pangunahing nagpapayaman sa pwesto kaysa paglingkuran ang mga mamamayan sa paulit-ulit na kasaysayan ng paniningil ng mga nagugutom at nahihirapan sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here