Home OPINION WORLD CLASS SANITARY LANDFILL, PARAMIHIN

WORLD CLASS SANITARY LANDFILL, PARAMIHIN

KASABAY sa paglobo ng bilang ng populasyon sa ating bansa na tinatayang nasa 115 milyon ang pagdami ng suliraning kinakaharap ng ating pamahalaan. Kabilang dito ang kakulangan sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan at hindi rin mawawaglit sa problema ang pagtatapunan ng mga naiipong basura.

Sa kasalukuyang panahon na kung saan pinag-iingat na ang buong mundo sa iba’t-ibang aktibidades na maaaring makaapekto sa global warming na kamakailan lamang ay binago nang United Nations ang katawagang ito sa “Global Boiling”, kailangan na nating yakapin ang mga makabagong pamamaraan upang maprotektahan ang ating kalikasan mula sa mapamuksang kemikal na nagmumula sa mga basura.

Mabuti na lamang at may mga pribadong organisasyon na tumutulong sa ating bansa at naninigurong hindi sasablay sa requirement na hinihingi para sa environmental protection lalo na sa aspeto ng waste management.  Isa rito ang Metro Clark Waste Management Corporation o MCWM na nangangalaga sa Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac gamit ang teknolohiyang nagmula pa sa Germany.

Sa ating pag-aakala, sasapat na ang pagbubungkal ng lupa upang ibaon ang mga basura o makakuha ng lugar para gawing dumpsite pero mali pala dahil may potential risk pa rin in a long term na hindi kaagapay sa kasalukuyang panawagan ng United Nations at safety and health ng komunidad kapag nagpatuloy ang ganitong sistema. Matuto na rin sana tayo sa hazards na nilikha ng Smokey Mountain dumpsite sa Tondo, Manila.

World class ang serbisyo, sertipikado at napakaganda ng layunin ng MCWM para mapangalagaan at mapanatili ang kanilang misyon para sa kalikasan.

Para sa inyong kabatiran, nakapanayan namin nina National Press Club President Leonel “Boying” Abasola at kasamang Director Alvin Murcia sina MCWM Executive Vice President Vicky Gaetos at Senior Adviser Rafael Eubra sa programang “Meet the Press On Air” sa Radyo Pilipinas 738 kHz nito lamang nakaraang Linggo.  Sa haba ng huntahan, ating napag-alaman ang napipintong pagpapahinto sa serbisyong ibinibigay ng MWCM ng Bases Conversion and Development Authority at Clark Development Authority sa mga susunod na buwan.

Sana naman maging maayos ang anomang usaping ligal at paramihin pa ang organisasyong tulad ng MCWM na halos dalawang dekada nang nagsisilbi sa ating mga kababayan para lamang maprotektahan ang nanganganib nating kalikasan.

Bukas ang pahinang ito para sa panig ng BCDA at CDC.