MANILA, Philippines- Maaaring gamitin ng International Criminal Court (ICC) ang mga testimonya at mahahalagang impormasyon sa House Quad Committee (Quad Comm) hearings sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte, ayon kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio nitong Miyerkules.
“Well, because televised naman ‘yung QuadComm [the QuadComm is televised]—televised presentations, televised proceedings can be submitted,” wika ni Carpio.
“Katulad niyan, President Duterte before was interviewed and he said, ‘Ako ang nag-order niyan.’ That’s an admission, that’s an extrajudicial confession, that’s admissible,” dagdag niya.
Pinangungunahan ng apat na House joint committees ang mga pagdinig sa mga krimeng iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), drug war deaths, at illegal drug trade sa bansa.
Noong nakaraang linggo, tumestigo si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma sa QuadComm kung saan sinabi niyang inatasan siya ni dating Pangulong Duterte na humanap ng opisyal na magpapatupad ng Davao model ng war on drugs sa buong bansa.
Sinabi pa ni Garma, nagsilbing police official sa Cebu at Davao, na sangkot sa sistemang ito ang pagbibigay ng pabuya mula P20,000 hanggang P1 milyon, para sa napapatay na drug suspects.
Kasunod nito, inihirit ng abogadong si Kristina Conti, isang ICC-accredited assistant to counsel, kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isumite ang testimonya ni Garma sa ICC.
Nanindigan naman si Marcos na hindi nito kikilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Kumalas siang Pilipinas mula sa Hague-based tribunal’s Rome Statute noong 2018 sa ilalim ng administrasyong Duterte, kung saan umiral ito noong 2019, matapos simulan ng ICC ang preliminary probe sa mga alegasyong state-sanctioned killings sa war on drugs sa bansa. RNT/SA