MANILA, Philippines — Naglabas ng panukalang patakaran ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa carpooling program na layong makatulong sa mga commuter sa gitna ng tumataas na presyo ng langis, na target ipatupad matapos ang Semana Santa.
Ayon sa MMDA, bukas ang panukala sa mga pribadong sasakyan gayundin sa mga kumpanya, pabrika, opisina, at ahensya ng gobyerno. Patuloy pa ang konsultasyon ng ahensya kasama ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang plantsahin ang pinal na guidelines at maiwasan ang illegal o “colorum” na operasyon.
Sa ilalim ng panukala, lilimitahan ang carpooling sa point-to-point trips sa oras ng rush hour mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 hanggang alas-9 ng gabi, at isang biyahe lamang kada time slot ang papayagan. Ipinagbabawal din ang roadside pick-up at drop-off, at hindi dapat umasta na parang public utility vehicle ang serbisyo.
Para sa mga kumpanya, dapat nakalaan lamang ang serbisyo sa kanilang mga empleyado o miyembro, at mahigpit na ipinagbabawal ang paniningil kada biyahe. Lahat ng ruta ay kailangan ng aprubal ng LTFRB, na mag-iisyu ng pansamantalang special permit habang nananatiling mataas ang presyo ng langis.
Sinabi ni LTFRB chairman Vigor Mendoza na gagawing simple at online ang proseso ng aplikasyon.
“The more roundtrips the passenger jeepney gets, the more income he receives kung mababawasan natin ang traffic with the present oil prices,” aniya.
Tiniyak naman ni MMDA chairman Don Artes na hindi magiging pabigat ang proseso sa publiko.
“We can assure the public na hindi ito trap. Hindi kayo pahihirapan sa application ng pag-aapply at hindi rin po ito magiging tool for harassment ng LTO, DOTr, LTFRB and even police,” ani Artes.
Nagbabala rin siya laban sa pang-aabuso sa sistema at hindi patas na kompetisyon sa mga kasalukuyang public utility vehicle.
“Binigyan ka ng special permit for carpooling, ginamit mo, inabuso mo para bumiyahe ka ng regular na biyahe, huwag naman,” dagdag niya.
Samantala, nagpahayag ng tiwala ang National Federation of UV Express ngunit nagbabala sa posibleng problema kung hindi mahigpit na maipatupad ang panuntunan.
“Kung halimbawa po kasing hindi to mai-implement ng point to point andun na po ‘yung part na puwede sila mag-coincide sa existing routes ng mga UV Express drivers. Hirap na nga ang kita ng P200 dahil sa taas ng diesel,” ayon kay Gabriel Martinez ng nasabing grupo. Santi Celario