Home NATIONWIDE Cavite City mayor umapela ng tulong sa 3,300 biktima ng sunog

Cavite City mayor umapela ng tulong sa 3,300 biktima ng sunog

MANILA, Philippines – Nananawagan si Cavite City Mayor Denver Chua para sa mga donasyon sa mahigit 900 pamilya na nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab nitong Linggo, Hulyo 14 sa dalawang coastal barangay sa nasabing lungsod.

“For those who wish to send help, our evacuation sites are at Dalahican Elementary School and Sta. Cruz Elementary School,” apela ni Chua sa post sa kanyang Facebook page.

Nagsimula ang sunog alas-3 ng hapon sa Badjao, Alonzo St. na kumalat sa Barangays 5 at 7 at tumupok sa mahigit 900 tirahan bago naapula makalipas ang tatlong oras.

Naapektuhan ng sunog ang mahigit 3,300 indibidwal na pansamantalang tumutuloy sa dalawang pampublikong paaralan.

Samantala, wala namang nasawi o nasaktan sa sunog.

Inaalam na ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog maging ang halaga ng pinsala rito. RNT/JGC