MANILA, Philippines- Nagsagawa ng exercise ang China Coast Guard isang araw bago nakatakdang dumating ang Filipino civilian convoy sa Panatag Shoal para maghatid ng mga supply sa mga lokal na mangingisda.
Sa ulat, makikita sa isang video ang crewmen ng CCG na nagdaraos ng mga drills sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.
Bahagi ng drill ang pagsubok sa kahandaan ng CCG sa simulated rescue ng isang tao sa tubig.
Inilabas ang footage bago ang itinakdang civilian mission ng grupo ng Atin Ito Coalition sa Panatag Shoal.
Nilalayon ng civilian mission na ang katubigan ng Panatag Shoal ay bahagi ng EEZ ng Pilipinas.
Sinabi ng grupo na maglalagay din sila ng buoys at magbibigay ng suplay sa mga lokal na mangingisda.
Sa press conference, sinabi ng Atin Ito na dapat i-normalize ang access ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa satellite image mula kay maritime expert Ray Powell, ang bilang ng Chinese vessels sa Panatag Shoal ay nadagdagan.
Sa kabila ng presensya ng China, sinabi ng Atin Ito na hindi sila mapipigilan sa kanilang mapayapang misyon.
Sinabi ng grupo na ang kaligtasan ang kanilang pangunahing prayoridad sa pagsasagawa ng misyon.
Inihayag din ng Atin Ito na malinaw ang kanilang mga layunin at pinananatili nila ang koordinasyon at linya ng komunikasyon kaya kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan, kaya nila itong tugunan.
Samantala, ang kauna-unahang space dialogue sa pagitan ng Pilipinas at US ay nagpapatuloy upang palakasin ang kooperasyon sa mga usapin sa civil space at ang paggamit ng espasyo sa maritime domain awareness. Jocelyn Tabangcura-Domenden