Home NATIONWIDE Cellphones papayagan sa classroom kung gagamitin sa pag-aaral – DepEd

Cellphones papayagan sa classroom kung gagamitin sa pag-aaral – DepEd

MANILA, Philippines- Nilinaw ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na habang nakasaad sa general rule na hindi pinapayagan ang paggamit ng cellphone sa oras ng klase, suportado naman ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng electronic devices kapag isinama sa pag-aaral.

Nauna rito, nagkaroon kasi ng debate ukol sa paggamit ng cellphones at tablets sa mga classroom—partikular na sa mga eskwelahan na patuloy at mahigpit na ipinatutupad ang “no gadget” policies.

“It’s the general rule but if for learning, it’s allowed,” ang sinabi ni Angara.

Tinukoy ng Kalihim ang educational initiatives gaya ng Khan Academy, na para sa ilang public schools ay gumagamit na nito, ang mga estudyante ay may access sa platform via smartphones.

Sa reyalidad, ang digital gadgets ay naging essential classroom tools sa maraming public schools—lalo na kapag kulang sa physical textbooks, workbooks at reference materials.

“For many teachers, using cellphones or tablets is no longer optional—it’s necessary,” ang sinabi ni Ruby Bernardo, presidente ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa National Capital Region.

“Sa actual na situation sa classroom, dahil kulang ng learning material… ginagamit ang cellphone, tablet sa ilang references—paggamit ng modules online, PDFs, at iba pa,” ang sinabi pa rin ni Bernardo.

Binigyang halimbawa na rito ang mga guro at estudyante na gumagamit ng mga digital gadgets bilang resources, gaya ng YouTube videos, DepEd TV at free educational websites para punan ang gaps sa kinakailangang content o nilalaman.

Maraming mag-aaral ang nag-download ng learning modules, nagbabasa ng e-books, at sumasali sa class group chats kung saan ang assignments at reminders ay naka-post.

Binigyang-diin pa rin ni Bernardo na ang usapin ay hindi tungkol sa pagbabawal ng lubusan sa cellphones subalit paggabay sa mga mag-aaral sa kanilang responsable at epektibong paggamit.

“Ginagawa naming pamamaraan din ‘yan para dagdagan ang resources,” ani Bernardo. Kris Jose