MANILA, Philippines- Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Chinese na sangkot sa insidente ng pagnanakaw habang nasa biyahe patungong Maynila.
Ibinahagi ni BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado na ang tatlong lalaking dayuhan na kinilalang sina Lyu Shuiming, 48; Xu Xianpu, 41; at Xie Xiaoyong, 54 ay iniulat sa mga opisyal ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 15 matapos mapag-alamang nagnakaw ng handbag sa isang flight ng Philippine Airlines mula Kuala Lumpur.
Sa ulat ng BI, si Lyu at ang kanyang mga kasama ay nahuli sa akto ng isang flight attendant matapos umanong magnakaw ng isang handbag na naglalaman ng humigit-kumulang P 63,000 na pera na pag-aari ng isang babaeng hukom na nagbibiyahe kasama ang dalawang abogado.
Binuksan umano niya ang overhead stowage bin para kunin ang bag na pag-aari ng judge. Naaktuhan umano ang suspek ng mga tauhan ng eroplano na hinahalungkat ang mga personal na gamit ng hukom, at kinuha ang mga mahahalagang bagay na natagpuan niya sa loob.
Napag-alamang may valid visa si Lyu para makapasok sa Pilipinas. Agad na inaresto ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) si Lyu, habang sina Xu at Xie ay sumakay sa isang outbound flight. Lahat silang tatlo ay inirekomenda para isama sa blacklist ng BI.
Sinabi ni Viado na patuloy silang makikipagtulungan sa mga airline at airport security para ma-monitor ang mga galaw ng mga dayuhan na maaaring miyembro ng nasabing gang.
Pinasalamatan ng BI Chief ang airline staff at ang PNP AVSEGROUP sa kanilang pagiging maagap at tulong sa kaso.
“We will not allow these kinds of foreigners to victimize our kababayan,” ani Viado.
“The BI will continue to monitor the progress of this case, and blacklist any other members that might be found,” dagdag pa nito. JAY Reyes