Home NATIONWIDE Paglatag ng isyu ng WPS sa UN General Assembly balak ng PH

Paglatag ng isyu ng WPS sa UN General Assembly balak ng PH

MANILA, Philippines- Kinokonsidera ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghahain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) para pag-usapan ang patuloy na agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea.

Ibinahagi ni Nueva Ecija 2nd District Representative Joseph Gilbert Violago, itinalagang isponsor ng P27.392-billion budget ng DFA at attached agencies nito para sa 2025, ang anunsyong ito sa isinagawang House plenary budget deliberations.

“Mr. Speaker, your Honor, ang DFA ay may plano ho talagang mag-file ng resolusyon with the UN General Assembly on the Philippines’ territorial claims in the West Philippine Sea,” ayon kay Violago.

“The recommendation to file a particular resolution with the United Nations General Assembly would have to be subject to necessity and prudence. The Department appreciates the recommendation and continues to study its implication,” dagdag na wika nito.

Ito ang paliwanag ni Violago nang tanungin ni OFW party-list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ukol sa posisyon ng DFA ukol sa rekomendasyong isulong ang usapin hinggil sa pag-atake ng Tsina sa West Philippine Sea.

Aniya, “The DFA maintains the view that the UNGA is the venue for decisions on human development issues that concern the conditions faced by humanity as a whole, and is not the venue for political debates.”

Binigyang-diin din ni Magsino ang kahalagahan ng mapayapang usapan sa pagtugon sa napakatagal nang usapin sa rehiyon.

“Ang role ng DFA ay ika nga maiparating sa bansang China ang ating mga karapatan sa West Philippine Sea. Kaya naman po patuloy ang tinatawag nating mga bilateral talks at mga pangangamapanya regarding sa teritoryong,” pahayag ni Violago.

“Alam naman natin Mr. Speaker na kahit sabihin nating paulit ulit na ginagawa ito, pinaka-epektibo pa ring paraan ang isang pakikipag-usap, rather than dumating tayo sa isang marahas na pangyayari. Kaya laging peaceful talks at communication sa China ang ating ginagawa,” patuloy niya.

Sa kabilang dako, si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang tatayong kinatawan ng Pilipinas kung matutuloy ang bilateral talks sa Tsina sa sidelines ng UNGA ngayong buwan sa New York.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez, ang agenda ng Maynila ay i-follow up ang pagpapababa sa tensyon sa WPS habang ipinagpapatuloy naman ng gobyerno ang diplomatic efforts nito para tugunan ang regional issues.

Layon ng gobyerno ng Pilipinas na maipaabot sa Tsina ang mensahe nito na maliban sa bansa (Pilipinas), may iba pang bansa ang hindi sang-ayon sa “dangerous actions” ng tinaguriang Asian Superpower sa rehiyon. Kris Jose