MANILA, Philippines- Arestado ang isang negosyanteng Chinese national na hinihinalang nanghalay sa isang transwoman, kahapon sa Mabini, Batangas.
Ang biktima ay itinago sa pangalang Karl, 25, transwoman, businessman, naninirahan sa Las Piñas City.
Samantala, ang suspek na pansamantalang nakapiit sa Mabini Municipal Police Station ay kinilala sa alyas na Rens, 23, Chinese national, businessman, residente ng Taysan, Batangas.
Base sa inisyal na imbestigasyon, pormal na dumulog ang biktima sa himpilan ng Mabini Police Station para ireklamo ang suspek ng panghahalay.
Napag-alaman sa salaysay ng biktima nagpadala umano ang suspek sa Messenger ng biktima ng pagbabanta umano na ikakalat nito (suspek) sa social media ang pribadong video ng biktima, kung hindi ito makikipagkita sa suspek.
Nabatid sa ulat na dakong ala-1 ng madaling araw kahapon ay napilitan umanong makipagkita ang biktima sa kinaroroonan ng suspek kasama ang kaibigan nito, para kausapin ang suspek na burahin ang pribadong video ng biktima.
Subalit, hindi umano pinapasok ng gwardiya ang kaibigan ng biktima, kung saan nag-iisang pumasok ang biktima sa kwarto ng suspek sa isang resort sa Mabini, Batangas, at doon na naganap umano ang panghahalay sa transwoman. Ellen Apostol