Home METRO Chinese suspects sa Las Piñas raid nagsumite ng counter-affidavits

Chinese suspects sa Las Piñas raid nagsumite ng counter-affidavits

MANILA, Philippines- Nagsumite ng counter-affidavits sa Department of Justice ang kampo ng limang Chinese suspects na umano’y sangkot sa human trafficking operations sa Las Piñas noong Miyerkules.

Subalit, tumangging magbigay ng detalye ang abogadong si Melvin Bermudez, legal counsel nina Li Jiacheng, Xiao Liu, Yan Jiayong, Duan Haozhuan, at LP Hongkun.

“With respect sa contents ay hindi ako pwedeng mag bigay ng masyadong information. Ang masasabi ko lang ay nakapag file na kami ng counter-affidavit,” pahayag ni Bermudez sa ambush interview.

“Ayoko naman ma-preempt ‘yung depensa namin,” dagdag niya.

Sinabi ni Bermudez na inaakusahan ang kanyang mga kliyente ng human trafficking at paglabag sa Anti-Cybercrime Act.

Base kay Bermudez, dalawa sa mga suspek ang personal na dumalo sa preliminary probe sa DOJ habang nanumpa ang natitirang tatlo sa ibang lugar.

Ani Bermudez, kailangan pa nilang maghain ng supplemental counter-affidavit dahil nagsampa ng karagdagang reklamo ang Philippine National Police.

“May additional allegation sila eh. Particularly, ‘yung private complainant mismo. May mga dinagdag lang. At least, if I’m not mistaken, at least, three supplemental complaint-affidavit,” pahayag niya.

“Sasagutin namin lahat ‘yan. Alam naman namin na wala namang ginagawa itong mga taong ito, itong mga clients namin. We entertain additional evidence,” giit naman ni Bermudez.

Binigyang-diin niya na itinatanggi rin ng kanyang mga kliyente ang mga alegasyon laban sa kanila.

“Actually, ‘yung involved dito sa PI is not directly accused of violating something. Parang nadamay lang sila,” pahayag niya.

“Yung iba doon is visitors lang. Yun lang mabibigay ko. Yung invoved dito sa PI, yung iba is visitors lang and from time of raid, yun nga in the wrong place at the wrong time lang talaga sila,” patuloy ng abogado.

Nang tanungin kung ilan sa kanilang mga kliyente ay empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators, tumangging magbigay ng komento si Bermudez at pinayuhan ang mga mamamahayag na hintayin ang susunod na preliminary investigation.

Inihayag ni Bermudez na kasado ang sunod na hearing sa August 30.

Noong June 30, naaresto ng mga awtoridad ang limang Chinese nationals at nasagip ang halos 3,000 indibidwal mula sa isang Las Piñas compound. 

Sinabi ng mga awtoridad na kabilang dito ang 1,534 Pilipino at 1,190 mula sa mga bansang Malaysia, Singapore, China at Vietnam.

Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa bansa pa ang 1,000 biktima.

Nitong Hulyo, sinabi ng PNP na isa pang puganteng Chinese ang natukoy bilang isa sa “big bosses” ng sinalakay na kompanya. RNT/SA