Home OPINION CHRISTMAS LIGHTS, NASAAN?

CHRISTMAS LIGHTS, NASAAN?

BAGO pa mag-Covid pandemic, napansin na ng Lupa’t Langit ang madalang na Christmas lights sa maraming bahay bago at sa mga araw ng Pasko sa gabi.

Lalong wala itong makita sa mga huling taon na ito.

Anyare?

Naiisip nito, nagbago na ba ng relihiyon ang maraming naniniwala sa Pasko at naroon na sila sa ibang pananampalataya na hindi naniniwala sa Pasko?

Ang Pasko kasi, usaping panrelihiyon at sa parte ito ng mga Kristiyano.

Sinasabing nasa 2.4 bilyon ang miyembro umano nito kumpara sa 1.9 bilyong Muslim at 1.2 bilyong Hindu.

May 1.4 bilyon namang walang paniniwala sa Diyos mismo habang bilyones ang iba pang relihiyon na matatagpuan sa Pinas, Japan, Africa, Korea, Thailand at maraming iba pa na walang Krismas.

Nasaan na nga ba ang mga Christmas light sa only Christian country sa Asya sa gabi?

Sa pagtatanong-tanong ng Lupa’t Langit, ekonomiya pala ang pangunahing dahilan.

Isa, napakamamahal na ang mga Christmas parol.

Pero kahit mura ang isang maliit na Christmas light sa halagang P50, nangangahulugang kokunsumo rin ito ng kuryenteng mahal na aabot sa P50-100 sa loob ng isang buwan.

Anila, halos mapugto umano ang hininga nila sa paghahabol sa P40-50 na isang kilong bigas, isasama raw pa bang habulin ang Christmas light at kuryente na mahal?

Bigla tuloy lumitaw ang pag-ayaw sa pagbili ng bentilador ng mga magulang sa mga publik iskul kahit mainit ang mga silid-aralan.

Marami rin ang nagkakansela ng Christmas party sa mga eskwela sa pablik iskul.

Mga dahilan sa pag-ayaw sa proyektong bentilador at Christmas party?

Kahirapan talaga.

Sa rami ng naghihirap ngayon, hindi nakapagtatakang walang Christmas light o magarbong Christmas tree sa ‘di mabilang na mga tahanan ngayon.

Pero hindi naman mabigat ang mamiso na hulog sa mga supot ng mga manang sa simbahan sa simbang gabi.