PINAG-IINGAT mismo ng pamahalaan ang libo-libong Filipino na nasa mga bansang South Korea, Syria at iba pang mga bansang dayuhan na may mga digmaan.
At tama lang na gawin ito lalo’t malayo sila sa atin at sila pa ang inaasahan ng marami sa atin sa Pinas para mabuhay nang makatao at may kinabukasan.
Dapat talagang pahalagahan ang buhay ng bawat Pinoy sa mga dayuhang bayan kaya anomang segundo na may balitang kaguluhan at digmaan sa kinaroroonan nila, agad na pinaaalerto ng pamahalaan ang mga embahada at konsulado upang maasikaso kaagad ang kanilang mga problema.
Kailangan ding kumilos lagi ang mga nasa embahada at konsulado sa pag-aaral sa mga tunggalian sa mga bansang kanilang destino upang mapaghandaan nang maaga ang mga kaguluhan o digmaang nagaganap, alang-alang sa mga ordinaryong mamamayang Pinoy na naroroon, kasama ang mga overseas Filipino worker, turista at iba pa.
LIBO-LIBO ANG APEKTADO
Tinatayang nasa 800 Pinoy ang nasa Sudan na naiipit sa napakadugong digmaan sa Sudan.
Umaabot na sa mga masaker, rape, malawakang gutom at iba pang anyo ng paghihirap ang civil war na nagaganap roon.
Tanong lang sa pamahalaan, kumusta na ang mga Filipino roon?
Sa Syria naman, may 5,000 Pinoy roon.
Sa bilis ng pangyayari sa loob ng isang linggo, natumba agad ang rehimeng Bashar al-Assad at ngayon hawak na ng Hayat Tahrir al-Sham ang pamahalaang Syria habang mayroon pang ibang grupo na naghahangad din nito gaya ng grupong hawak ng mga Amerikano.
Wala pang nakaaalam kung ano ang magiging mga patakaran ng bagong gobyerno sa mga dayuhan, gaya ng mga Pinoy.
Ang tiyak, walang nakalabas na Pinoy roon dahil sa bilis ng pangyayari.
Kaya naman, walang magawa ang Pilipinas kundi abisuhan silang mag-ingat.
Sa South Korea na may 65,000 Pinoy, kasama na ang mga iligal na naroroon, pinag-iingat din sila ng pamahalaan dahil wala pang katiyakan ang kalagayan doon.
Matapos ang 6-oras lang na martial law, may pagkilos na impeachment laban sa kanilang Pangulo na si Yoon Suk Yeol ngunit pumalpak.
Ngayon, may pangalawang impeachment na niluluto at kung muling papalpak ito, ano kaya ang susunod na mangyari?
Sa gitna nito, isa sa mga abiso sa mga Pinoy ng pamahalaan ang pag-iwas nilang lumahok sa mga nagaganap na pulitikal doon.
IBA PANG AKSYON NG GOBYERNO NASAAN?
Sa laki ng bilang ng mga Pinoy na nasa gitna ng kaguluhan sa mga bansang kinapapalooban nila, hindi dapat na abiso sa pag-iingat ang hangganan ng aksyon ng pamahalaan o pagkilos lang din ng mga nasa embahada at konsulado ang dapat gawin.
Nasa isip ng ating Uzi, mga Bro, ang paglalaan mismo ng pamahalaan sa pambansang badyet para sa kanila.
Pwedeng ang sinibak ni Manang Imee na P39 bilyong AKAP ang ilaan sa mga Pinoy na nanganganib sa kamatayan, forced evacuation at iba pang kagipitan.
Sa halip na ayudang cum pulitika sa 2025 ilaan ang AKAP, dapat para sa emergency na pangangailangan ng mga Pinoy.
Teka, tapos na pala ang bicameral conference committee meeting.
Anyare nga pala sa AKAP?