NOONG 2021, ipinatigil ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestro Bello ang implementasyon ng ‘TUPAD’ sa Quezon City, matapos sumingaw ang balita na “inabuso” ito ng ilang opisyal ng lungsod.
Isang magandang ‘emergency employment program’ ang TUPAD noong pandemya (2021) kung saan ang mga kuwalipikado ay nabibigyan ng empleyo mula 10-30 araw batay sa ‘minimum wage.’
Bilang NPC president noon, nagawan natin ng paraan na makasama sa TUPAD ang ating mga miyembro na sadyang malaking tulong sa hanay ng midya. Salamat ulit, kasamang Rolly Francia!
‘Yun nga lang, sa Kyusi, tatlong distrito at mambabatas ang nasilip na “nakinabang” (daw) sa programa—District 1, Rep. Onyx Crisologo; District 2, Rep. Precious Hipolito (parehong “luhaan” noong 2022 election); at District 5, Rep. Alfred Vargas (pinalitan ng kapatid na si Rep. Patrick Michael Vargas).
Hmm. “Biniktima” ang TUPAD gamit ang listahan ng mga biktima ng pandemya? Ganun kaya, mga kabayan?
Sa mga ulat noon, aabot sa P59 milyong pondo ng TUPAD ang “nalusaw” kaya bukod sa ipinatigil, nagpa-imbestiga rin si Sec. Bello.
“Nagkusa” ring mag-imbestiga ang Ombudsman (motu propio) at kahit ang NBI, “nakisali” din!
Tatlong taon na ngayon pagkatapos ng mga anunsiyo ng imbestigasyon, ano na nga bang nangyari, mga bosing sa DOLE, NBI at Ombudsman?
Anang mga miron? Parang “wala” kayong balak na tumupad sa sinasabi ninyong “hustisya” para sa TUPAD, ngek!
Ano rin kaya ang naging resulta ng ‘COA audit’ sa pondo ng TUPAD, partikular sa hinanahanap na P59 milyon? Nag-audit nga kaya?
Baka naman ‘busy’ ang COA sa “pagbusisi” lang sa pondo ng OVP at DepEd, hehehe!
Ilang buwan na lang at eleksyon na naman. At kung hindi magpapaliwanag ang mga nagpabidang ahensiya sa isyung ito, NBI, DOLE at Ombudsman, eh, matutupad, ehek, matutulad, lang din ito sa mga nakaraang eskandalo ng katiwalian sa pondo ng publiko.
Yun bang… pulos imbestigasyon, wala namang resulta, ahahay!
Abangan!