BAGO pa man maiakyat ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, tila may umuugong na papalitan si Sen. Chiz Escudero ni Sen. Cynthia Villar bilang lider ng Senado.
Ayon sa ating reliable source, pangungunahan ni Sen. Imee Marcos, na kapartido ni Villar sa Nacionalista Party, ang pagkalap ng pirma sa mga senador para mapatalsik si Escudero bilang Senate president.
Kailangan lang ng 13 senador para makapili ng lider ng Mataas na Kapulungan.
Ayon pa sa source, ang grupo ni Villar ay mayroon nang suporta ng 12 senador, habang ang iba pang mga senador ay hindi pa rin sigurado kung sino ang kanilang susuportahan bilang susunod na pinuno ng Senado.
Ang asawa ni Cynthia na si Manny Villar ay naging Senate president noong 13th Congress o mula 2006 hanggang 2008.
Si Villar ay may ‘solid backing’ na raw ng 12 senador kabilang sina Marcos, ang magkapatid ng Cayetano na si Allan Peter at Pia, Ronald de la Rosa, Francis Tolentino, Christopher Go, Robin Padilla, Ramon Revilla Jr., Loren Legarda, Miguel Zubiri, anak ni Villar na si Mark at si Villar mismo.
Matapos ang dalawang taong panunungkulan bilang lider ng Senado, napatalsik si Zubiri at pinalitan ni Escudero nitong buwan ng Mayo.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Senado ay may tanging kapangyarihan na litisin at pagdesisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.
Kung sakali daw nakarating sa Senado ang impeachment case laban kay Duterte ngayong darating na linggo, dapat daw ang maupo sa impeachment trial bilang hukom ay ang mga ‘loyal allies’ ng pamilya Duterte.
Matatandaan na ibinunyag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si dating Senate president Manny Villar ay nagdala ng isang bayong na pera para makumbinsi lamang siyang tumakbo bilang pangulo noong 2016.
Bago pa man buksan ang 19th Congress noong July 2022, kinumpirma ni Dela Rosa na suportado nila si Sen. Villar laban kay Zubiri bilang Senate president.
Tinawag ni De la Rosa bilang ‘Duterte senators’ ang walong senator kasama siya at sina Marcos, Go, Tolentino, Padilla, Revilla, at mag-inang Villar na sina Cynthia at Mark pero sa huli si Zubiri ang naluklok bilang Senate president.
Let’s just wait and see baka totoo nga at tunay na may nakaambang kudeta sa Senado dahil normal na eto sa Philippine politics.