Home NATIONWIDE CIDG: Gulo sa Senado konektado sa pag-eskapo ni Bato

CIDG: Gulo sa Senado konektado sa pag-eskapo ni Bato

116
0

MANILA, Philippines – Magkaugnay umano ang insidente ng pamamaril sa Senado at ang pag-alis ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa gusali ng Senado noong Mayo 14, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni CIDG chief Police Major General Robert Morico II na konektado ang dalawang insidente ngunit nasa Department of Justice (DOJ) na ang imbestigasyon.

“So, let me just say na, you know, two incidents po ‘yan. They are related,” ani Morico.

“But the investigation is already with the Department of Justice. I do not want to preempt yung [the] findings po ng [of the] Department of Justice (DOJ),” dagdag niya.

Ayon kay Morico, may backup pickup vehicle umano na naghihintay sa labas ng Senate premises matapos umalis si Dela Rosa at ang mga kasama nito sa gusali.

Tinatayang anim na indibidwal, kabilang si Senator Robin Padilla, ang iniimbestigahan kaugnay ng posibleng obstruction of justice complaint.

Hindi naman kinumpirma ni Morico kung isinadya ang pamamaril sa Senado o ginamit itong “supervening event” upang mapadali ang paglabas ni Dela Rosa mula sa Senado.

Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na naglabas ito ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.

Noong Mayo 13, habang nasa protective custody ng Senado si Dela Rosa at naka-lockdown ang gusali, may mga putok ng baril na narinig sa loob ng Senado. Makalipas ang ilang oras at bago magmadaling araw ng Mayo 14, tuluyan nang umalis si Dela Rosa sa gusali.

Nagdeploy na rin ng tracker teams ang mga awtoridad upang hanapin at arestuhin ang senador.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules na binawi na nito ang firearms licenses ni Dela Rosa.

Ayon naman sa abogado ng senador na si Atty. Israelito Torreon, maghahain sila ng apela laban sa naging desisyon ng PNP. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here