MANILA, Philippines – Inilunsad na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa School Year 2026-2027 sa Hunyo 8.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, tatakbo ang programa mula Hunyo 1 hanggang 11 upang tiyakin ang maayos na enrollment, mabilis na pagresolba sa mga concern ng publiko, at kahandaan ng mga paaralan sa buong bansa.
“Sinisiguro natin, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na magiging ligtas, maayos, at walang aberya ang pagbabalik-aral ng ating mga mag-aaral,” ani Angara.
Sinabi ng DepEd na hindi bababa sa 16 na ahensya ng gobyerno at utility partners ang makikibahagi sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase.
Kabilang sa mga katuwang ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Department of Health at Metropolitan Manila Development Authority para sa pagpapatupad ng seguridad, health measures at traffic management sa paligid ng mga paaralan.
Tututukan naman ng Department of Transportation ang daloy ng mga commuter habang tutulong ang Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission sa pagpapalakas ng communication at connectivity services.
Nakaantabay rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa posibleng epekto ng masamang panahon at iba pang emergency sa panahon ng pagbubukas ng klase.
Inatasan din ang Manila Electric Company at Metropolitan Waterworks and Sewerage System na tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Dagdag pa ng DepEd, hindi muna bibigyan ng administrative at clerical work ang mga pampublikong guro sa preparation period upang makapagpokus sila sa classroom readiness.
Magbubukas din ang Oplan Balik Eskwela Public Assistance Command Center sa pamamagitan ng hotlines, text, email at social media upang tugunan ang mga concern ng mga magulang at estudyante. Santi Celario