MANILA, Philippines- Handa ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sakaling muling magpalabas ang Manila court ng arrest warrant para sa mga suspek sa likod ng missing sabungeros, ayon sa hepe nito noong Biyernes.
“Alam naman namin kung nasaan sila,” pahayag ni PNP-CIDG chief Major General Nicolas Torre III sa ambush interview sa Department of Justice (DOJ).
“Although, I’m sure na magtatago ang mga ‘yan. Although, we’re also hoping na sumurrender sila at harapin sa korte ang kanilang mga kaso,” dagdag niya.
Nitong Huwebes, ibinasura ng Manila Regional Trial Court Branch 41 ang mosyon ng DOJ na kanselahin ang piyansa at muling magpalabas ng arrest warrants para sa mga suspek.
Sinabi naman ng prosekusyon na nirerebyu nila ang resolusyon para maghain ng motion for reconsideration.
Samantala, inilahad ni Torre na gumugulong ang imbestigasyon sa kaso ng missing sabungeros. Aniya, naghahanap sila ng mga ebidensya at mga testigo.
“Huwag po kayong mawalan ng pagasa diyan at huwag din po kayong maging jaded sa mga ginagawa sapagkat ganon lang talaga ang imbestigasyon. Medyo mabagal, may kaunting time na kinakain talaga ‘yan,” mensahe ni Torre sa pamilya ng mga nawawalang sabungero.
“Pero sa ngayon naman we’re doing our best. We’re doing the best that we can do as of the moment sa pag-iimbestiga nito,” dagdag niya.
Nahaharap ang anim na akusado sa anim na bilang ng kidnapping at serious illegal detention sa pagkawala ng mga sabungerong sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, at magkapatid na sina James Baccay at Marlon Baccay.
Umalis ang mga sabungero sa Tanay, Rizal ng ala-1 ng hapon noong January 13, 2022, upang magtungo sa Manila Arena subalit pwersahang isinakay sa isang gray na van dakong alas-7:30 ng gabi. RNT/SA