Home NATIONWIDE Inisyatiba para makalikha ng trabaho inilatag ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas...

Inisyatiba para makalikha ng trabaho inilatag ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial bets

SAN JOSE DEL MONTE CITY — Pagkakaroon ng trabaho para sa mas maraming Filipino ang pangunahing plataporma ng 12 senatorial candidates sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas at inilatag nito ang ilang inisyatiba para sa paglikha ng mas maraming trabaho.

Isusulong ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mas pinalawig na suporta sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), na siya umanong nagsisilbing backbone ng ekonomiya ng bansa dahil nasa 63 porsiyento ng labor force ay nagmumula sa sektor na ito.

Giit ni Lacson, dapat nang i-institutionalize ang pagbibigay ng ayuda sa mga MSMEs sa pamamagitan ng lehislasyon at mga government policies.

“Mas magandang tulungan natin, higit sa lahat ‘yung mga micro and of course ‘yung small. Through incentives na dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno, and on our part, through legislation. Pwede kaming tumulong sa administration kay Pangulong Bongbong Marcos kung paano isasakatuparan ito kung paano ma-institutionalize iyung pagtulong sa MSMEs,” aniya.

Suportado ito ni Vicente “Tito” Sotto, aniya ang panukala ni Lacson ay matitiyak na naibabahagi sa lahat ng munisipalidad at LGUs ang pondo ng gobyerno na nakapokus sa livelihood at agrikultura.

Naniniwala si Sotto na sa ganitong paraan, masosolusyunan ang unemployment at underemployment sa buong Pilipinas.

Adbokasiya rin ni Las Pinas Rep. Camille Villar ang pagsusulong ng mga polisiya na makakatulong sa mga MSMEs katulad ng pagbibigay ng mga training, may kalidad na edukasyon at mga kaalamang angkop sa mga available na trabaho.

“May mga isinulong akong batas sa House tulad ng Batang Magaling Act na ihinahanda ang mga senior high school students sa anumang trabahong available para mabawasan ang underemployment,” sabi ni Villar.

Makakalikha rin umano ng karagdagang trabaho ang pagpaparami ng mga infrastructure projects para palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng financial assistance, livelihood training at pagbibigay ng mga modernong kagamitan sa mga magsasaka.

Nais naman ni dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na magkaroon ng business environment na may maayos na peace and order, murang enerhiya at kawalan ng korapsiyon para mabawasan ang unemployment.

Para ito makamit, itutulak ni Abalos ang full digitalization sa mga government services para mapabilis ang pagpoproseso ng mga business documents, makahikayat ng mga mamumuhunan at mas maging epektibo ang pagnenegosyo.

Si Makati Mayor Abby Binay, gustong bigyan ng insentibo ang mga negosyanteng magbibigay ng trabaho sa kanilang mga residente para hindi na kailangang lumuwas pa sa Maynila. Gail Mendoza