Home NATIONWIDE Ex-employee ng Marcos family tiklo sa ‘pangingikil’

Ex-employee ng Marcos family tiklo sa ‘pangingikil’

MANILA, Philippines- Naaresto ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dating empleyado ng First Family dahil sa umano’y pangingikil ng pera kapalit ng government project deals. 

Nadakip ang suspek sa bisa ng dalawang arrest warrants para sa estafa sa isang hotel sa Pasay City nitong Huwebes ng hapon.

Sinabi ni Police Major General Nicolas Torre III, hepe ng PNP-CIDG, na ibinubulsa ng suspek ang 3 hanggang 5 porsyentong kickbacks kapalit ng government contracts at supplies.

“He was among the private employees of the First Family, in-charge siya sa IT at social media, mga ganung trabaho. After that, ganun pa rin ang kanyang ginagawa after BBM came to office,” pahayag ni Torre sa Camp Crame sa Quezon City nitong Biyernes.

“Pero lately, nagpapakilala siyang Usec, tapos naglalako ng mga kontrata sa gobyerno at humihingi ng 3-5% of the commission or kickbacks,” dagdag niya. “May mga tao na siyang nabiktima beforehand at yun ang nagfile ng complaints laban sa kanya.”

Nakakolekta ang suspek ng milyong piso mula sa kanyang mga biktima, base kay Torre.

Dagdag ng police official, iniulat ng Special Envoy for Transnational Crime (OSETC) sa ilalim ng Office of the President ang ilegal na operasyon ng suspek sa PNP-CIDG.

“Nung inaresto namin kagabi, nakabarong pang kagalang-galang. Pinyang barong pa sa 5-star hotel. Ganun nga, mga bagay na ginagawa niya as misrepresentation, hindi itotolerate ng kanyang principals, ang First Family,” wika ni Torre.

“May pictures siyang pinapakita kung saan-saan may official functions… sa areas lang, like sa mga hotel kung saan may conventions na in attendance ang presidente. Yeah, typical scammer,” patuloy niya.

“May mga nagparamdam na sa amin na pupunta raw at magfafile ng complaints dahil naniningil nga ng naibigay na pera,” ayon pa sa opisyal.

Pinakawalan ang suspek matapos makapagpiyansa ng P90,000 noong Biyernes ng umaga.

“Binitawan na siya [ng First Family] nung nagkaroon siya ng warrant. Second warrant na itong inimplement namin. May first warrant nang nakapagpiyansa siya. This is now the second warrant na buhay ulit and nagpiyansa na ulit siya. Estafa pa rin,” giit ng PNP-CIDG chief.

Nagbabala rin si Torre sa mga sangkot sa ganitong uri ng ilegal na operasyon: “Tumigil na sila dahil sooner or later ay magkakaabutan din kami.”

“’Yan ang gusto nating iparating na baka may mga umiikot pa diyan na naglalako ng ganyang kontrata and supposedly connection sa gobyerno, huwag nang magpaniwala at malaki ang probability na 100% hindi ‘yan itotolerate ng gobyerno,” wika pa niya. RNT/SA