Home NATIONWIDE Clark resort na posibleng pinagtaguan ng mga takas sa Porac POGO, ni-raid

Clark resort na posibleng pinagtaguan ng mga takas sa Porac POGO, ni-raid

MANILA, Philippines – Ni-raid ng mga awtoridad ang limang villa sa loob ng Fontana Leisure Parks sa Mabalacat, Pampanga nitong Huwebes ng gabi.

Isinagawa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang operasyon batay sa impormasyong nagtatago sa resort ang ilan sa mga nakatakas sa raid sa Lucky South 99 Corp. sa Porac.

Ayon sa isang ulat, isa sa mga villa ay inookupahan ng isa sa mga “big boss” ng Zun Yuan Technology Incorporated at Chinese fugitive na si Huang Zhiyang, na na-tag bilang business partner ng Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Natuklasan din sa isa sa mga villa ang mga dokumentong may pangalan ni Zhang Ruijin, na naka-link din umano kay Guo.

Idinagdag ng ulat na sinuri din ng mga awtoridad ang kapakanan ng iba pang mga dayuhan na natagpuan sa loob ng mga villa.

Ang Lucky South 99 Corp., isang Philippine offshore gaming operator, ay ni-raid ng mga awtoridad noong unang bahagi ng buwan.

Sa pagsalakay, mahigit 150 dayuhan ang nailigtas kabilang ang mga mamamayang Chinese, Malaysian, Burmese, at Vietnamese. Ilan sa mga nailigtas ay mga biktima ng pagpapahirap at pagkidnap.

Ang patuloy na paghahanap sa POGO hub ay humantong din sa pagkakadiskubre ng mga umano’y uniporme ng Chinese military.

Gayunman, sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na isa lamang sa 46 na gusali sa loob ng Lucky South 99 Corp. ang nabigyan ng permit to operate. RNT