MAHIRAP maka-move on mula sa palitan ng batikos at insulto noong Linggo sa pagitan ni President Bongbong Marcos at ng kanyang hinalinhan, ang palamurang si Rodrigo R. Duterte. Masasabing isa iyong debateng politikal na pupwedeng tituluhang: Coke versus Fentanyl.
Tinawag ni Duterte si Marcos na “drug addict” – klasikong halimbawa ng ‘pot calling the kettle black.’ Marahil hindi talaga ganoon kadaling iwaksi ang nakasanayan. Pero napaisip ako kung may pagkakataon kayang nasa watchlist talaga siya ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa kabilang banda, nag-ala doktor naman si Marcos nang sabihing ang masasamang sinabi ni Duterte ay epekto raw ng matagal na paggamit nito ng fentanyl. Parang kakatwang episode lang ng “House” pero sa halip na resolbahin ang mga misteryong medikal, nagbatuhan lang sila ng mga insulto.
Sa Coke versus Fentanyl showdown na ito, hindi ko alam kung sino sa paningin ng publiko ang panalo. Para sa akin, pareho silang talunan. Ang isa ay pinagbibintangang sumisinghot, habang ang isa naman ay lumalaklak ng gamot, at hindi pa rin ako makapaniwalang dalawang halal na mataas na opisyal ng pamahalaan ang pinag-uusapan natin.
Hindi ba pwedeng karespe-respetong “presidential” debate na lang ang nasaksihan natin? Umasa tayong mga polisiya naman sa bansa ang susunod nilang pag-uusapan o baka naman isinumpa na tayong magdusa sa ilalim ng pamumuno ng mga wala sa huwisyong lider na ito hanggang sa 2028.
Usapang kulungan
Sa isang panayam nitong Martes, hiningan ng komento si Sen. Imee Marcos tungkol sa panawagan ni Davao City Mayor Sebastian Duterte na magbitiw na lang sa puwesto bilang Presidente ang kanyang kapatid.
Ayon sa senadora, na dumalo sa Davao rally, paulit-ulit daw na humingi ng paumanhin sa kanya si Mayor Baste tungkol sa mga sinabi nito. At sinabi naman ng presidential “super ate” na nauunawaan daw niya ang himutok ng nakababatang Duterte, na nababahala raw marahil sa ideyang nasa isip nito na ang sariling ama at kapatid na babae – si Vice President Sara Z. Duterte-Carpio – ay makukulong.
Ang sagot niya, syempre pa, ay klasikong may pagkaarogante. Alam ni Imee na ang maikli niyang kasagutan ay may halong panunuya upang palalain pa ang galit ni Baste.
Sa halip na bigyang linaw ang mga pagkabahalang inilahad ni Baste, nang-asar pa siya, binanggit ang pagkakakulong na walang dudang kinatatakutan ng pamilya Duterte. Pero sa mundo ng mga iniiwasang katanungan, malinaw na isa nang beterano ang senadora, may pasimpleng pagbabanta laban sa apelang patalsikin o bumaba sa puwesto ang kanyang kapatid.
Sa puntong ito, napahalakhak talaga ako ala-kontrabida sa pelikula. O baka siya iyong naiimadyin kong gumagawa nu’n?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).