Home NATIONWIDE Comelec: BSKE funds nagamit nang maayos

Comelec: BSKE funds nagamit nang maayos

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ginamit nang wasto at ayon sa layunin ang mga gastusin para sa pagsasagawa ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), at base na rin sa isang special audit report (SAR) ng Commission on Audit (COA).

Ito ang unang pagkakataon na kinilala ng COA ang Comelec para sa transparency at kahusayan na may kaugnayan sa mga gastusin sa mga aktibidad sa elektoral sa pamamagitan ng SAR, dagdag ng poll body.

“Kami po ay nagagalak at nagpapasalamat sa COA sa kanilang pag-recognize at pagpapatunay na maayos na ginamit ng COMELEC ang budget na iniatang sa amin para sa 2023 BSKE sapagkat ito po ay pera ng taongbayan at nararapat lamang na gamitin ito sa wastong pamamaraan,” sabi ni Garcia.

Sinasaklaw ng audit ang mga paggastos na may kaugnayan sa 2023 BSKE, kabilang ang mga pagbili na ginawa kaugnay ng aktibidad.

Ito ay inisyu alinsunod sa General Appropriations Act 2023, na nangangailangan ng isang espesyal na pag-audit sa lahat ng mga gastos na natamo mula sa printing jobs at mga materyales na ginamit para sa pagpaparehistro, plebisito, reperendum at mga paggastos na may kaugnayan sa halalan.

Ang BSKE ay isinagawa noong Oktubre ng nakaraang taon. Jocelyn Tababgcura-Domenden