Home NATIONWIDE Comelec handang mag-alis ng nuisance bets sa kabila ng TRO

Comelec handang mag-alis ng nuisance bets sa kabila ng TRO

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng Commission on Elections (Comelec) na hindi ito magdadalawang-isip na hindi isama sa balota ang mga diniskwalipikang kandidato kahit na ang paggawa nito ay mauuwi sa mga nasayang na balota dahil sa inilabas na temporary restraining order ng Supreme Court.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang pagdiskwalipika sa isang kandidato at pagdeklara sa kanila na isang nuisance ay isang kapangyarihang eksklusibo sa Comelec.

Ayon pa kay Garcia, ito ay itinatadhana sa ilalim ng Konstitusyon.

“We are the frontliners in determining who’s the nuisance, sino ang purpose ay lituhin lang ang mga kababayan natin sa kaparehas na pangalan.”

Ang TRO ng SC sa naging desisyon ng komisyon sa diskwapikasyon ng ilang kandidato ay nagbunsod ng anim na milyong nasayang na balota para sa May 2025 national and local elections.

Binigyang-diin ni Garcia na hindi pinawalang-bisa ng TRO ng SC ang desisyon ng Comelec na ibukod ang mahigit 100 disqualified candidates sa Senado. Ang TRO ay pansamantalang kaluwagan lamang at hindi isang desisyon sa mga merito.

Binigyang-diin din ni Garcia na isang disqualified na kandidato si Francis leo Marcos, na umatras sa kanyang kandidatira sa senatorial race matapos makakuha ng TRO.

Pinuna rin ni Garcia ang ideya na payagan ang lahat ng kandidato sa balota, anuman ang layunin o kredibilidad.

Sa ilalim ng Seksyon 69 ng Omnibus Election Code, Article 9C ng Konstitusyon, at mga desisyon ng Korte Suprema, nanindigan si Garcia na ang pagdedeklara ng mga kandidato bilang nuisance ay konstitusyonal at kinakailangan upang mapanatili ang integridad ng halalan.

Sa kabila nito, tiniyak ni Garcia ang pagsunod sa mga desisyon ng Korte Suprema. Jocelyn Tabangcura-Domenden