Home NATIONWIDE Comelec magdaraos ng forum tungkol sa AI, socmed at deepfakes para sa...

Comelec magdaraos ng forum tungkol sa AI, socmed at deepfakes para sa 2025 poll

MANILA, Philippines – Magdadaos ng forum ang Commission on Elections (Comelec) kasama ang stakeholders at political parties kaugnay sa alituntunin sa paggamit at regulasyon ng social media, artificial intelligence (AI) at deepfakes sa 2025 national at local elections (NLE), sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Ayon kay Garcia, ang nasabing forum ay isasagawa kasunod ng paglabas ng alituntunin ngayong linggo.

Ilang eksperto kabilang ang award-winning data scientist at technologist na si Dominic Ligot na nauna nang nagbabala na ang AI at deepflakes ay may malaking papel sa campaign period para sa 2025 midterm elections.

Sa inaasahang pagkalat ng fake news, maling impormasyon, at disinformation na nauugnay sa halalan, iminungkahi ng Comelec sa en banc na pagbawalan ang mga kandidato sa paggamit ng AI technology at deepfakes sa kanilang mga electoral campaign noong Hunyo.

Noong Hulyo, inanunsyo ng Comelec na bubuo ito ng isang set ng guidelines para sa paggamit ng AI sa May 2025 elections.

Isang task force na inatasan na protektahan ang paparating na halalan laban sa maling impormasyon at disinformation na hinimok ng AI sa pamamagitan ng pagsubaybay, at pag-regulate ng mga na-publish na content sa quad-media gaya ng TV, radyo, print, at online ay inilunsad noong nakaraang buwan.

Sinabi ni Garcia na kailangang magsagawa uli ng isa pang forum para ipaliwanag ang alituntunin at maipatupad nang tama lalo na sa political parties dahil sa napakaraming definition na kailangang tukuyin kung ano ang AI, at deepfakes.

Itinakda ang mid-term elections sa bansa sa May 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden