MANILA, Philippines – Nababahala ang Commission on Elections (Comelec) sa estado ng halalan sa Bangsamoro matapos na hindi pa maipasa ang batas sa redistricting na kinakailangan para sa kauna-unahang parliamentary election sa BARMM.
Sa desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 13, dapat maayos ang parliamentary districts bago ang Oktubre 30 pero binigyan ng pahintulot ang Bangsamoro Tansition Authority (BTA) hanggang Nobyembre 30.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, na ang mga pagbabago sa rehistro ay bawal 120 araw bago ang halalan.
Nakadepende aniya ang Comelec sa kung ano ang ipapasa ng BTA, partikular sa redistricting law.
Ayon kay Garcia, maaring makaapekto sa iskedyul ng halalan ang anumang dagdag na proseso tulad ng accreditation ng mga partido.
Pinag-aaralan din ng Comelec ang posibilidad ng manual elections, na nangangailangan ng mas maraming presinto at dagdag na budget kumpara sa automated elections.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ni Garcia na magpapatuloy ang halalan sa Bangsamoro sa Marso 2026, depende sa klase ng batas na ipapasa ng rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden