MANILA, Philippines- Nagpalabas ang Commission on Elections ng show-cause order laban kay Cabiao, Nueva Ecija Mayor Ramil Rivera dahil sa umano’y kontrobersyal na pahayag niya sa hiwalay na campaign rallies para sa Eleksyon 2025.
“In view of the foregoing, you are hereby ordered to show cause in writing within a non-extendible period of three days from receipt hereof and to explain why a complaint for election offense and/or a petition for disqualification should not be filed against you,” ayon sa Task Force SAFE ng Comelec sa show-cause order.
Sinabi ng poll body na lumabag si Rivera, tumatakbong vice mayor ng Cabiao, sa Comelec Resolution No. 11116 sa mga pahayag na maaaring maituring na “gender-based harassment and discriminatory labeling.”
Kabilang dito ang pagtawag ni Rivera sa katunggali na “supot” (uncircumcised), na tinukoy na Comelec na inappropriate at offensive.
“Ang aking kuya na ito, galit sa supot ito. Baka may supot diyan, delikado kayo dito. Kaya sabi ko dito sa kuya ko na ito, itong mga kalaban natin, walang ginawa kundi manira. Sigurado mga supot pa ‘yan, pakituli mo lang,” pahayag ni Rivera.
Ipinagbabawal ng Comelec Resolution No. 11116, kilala rin bilang Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines, ang pagtawag sa mga indibidwal o mga grupo na “terrorists, dissenters, or criminals” nang walang ebidensya. Saklaw din nito ang bullying at diskriminasyon base sa kasarian, etnisidad, edad, relihiyon, kapansanan, at iba pang protektadong kategorya.
Gayundin, tinutukoy ng Comelec Resolution No. 11127—amendment sa Resolution No. 11116—ang lahat ng election-related activities at platforms, kabilang ang social media, na “safe spaces” para sa 2025 national and local elections.
Pinapalawig din nito ang kahulugan ng election offenses upang saklawin ang child abuse, discrimination, incitement, immoral doctrines, obscene content, at racial discrimination.
Nagpalabas ang Comelec ng ilang show-cause orders sa mga kandidato sa paglabag sa mga alituntuning ito. RNT/SA