Sa pagsisimula ng voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) elections, hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga night shift na empleyado na samantalahin ang isasagawang special registration anywhere program sa mga paliparan at malls.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pagkakataon na ito para makapagparehistro ang mga panggabing empleyado tulad ng mga call center agents upang makaboto sa mga susunod na halalan.
Maaaring magparehistro ang mga night shift employees sa NAIA Terminal 1 at 3 mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
May voter registration din sa Robinsons Bridgetown sa Quezon City mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi at SM Aura sa Taguig mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ang special registration anywhere program ay para sa mga sumusunod na aplikasyon:
New Registration
Change of Name and Status
Correction of Entries
Reactivation of Registration Records
Transfer from Overseas to Local only
Paalala pa ng Comelec, hindi maisasagawa ang transfer ng local registration records sa special registration anywhere program. Kinakailangan ding magdala ng isang valid government-issued ID. — Jocelyn Tabangcura-Domenden