Home NATIONWIDE Concert ‘di sapat, dagdag-sahod hirit ng mga titser

Concert ‘di sapat, dagdag-sahod hirit ng mga titser

MANILA, Philippines- Umaasa pa rin ang ilang guro na dumalo sa “Konsyerto sa Palasyo” nitong Linggo ng karagdagang sahod at benepisyo sa kabila ng pagkilala sa kanila sa isang Malacañang event.

“Ang main event talaga is mag-enjoy, pero siguro sa mensahe mamaya ni pangulo, may aasahan kaming magandang balita,” anang isang guro.

“Tinatrabaho naman nila ‘yung salary increase ng mga guro pati pagtanggal sa administrative work sa mga teachers… para mag-focus na lang sa teaching ang mga guro,” dagdag niya.

“Sana bigyan pa ng pansin ang ating departamento, ang edukasyon at ang binitawan na salita na pagpapataas ng sweldo at pagtanggal sa mga administrative work sa mga guro para maka-focus sa teaching.”

Para naman sa isang guro, isang karangalan ang makatuntong sa Malacañang, subalit umaasa siya ng benepisyo para sa guro partikualr para sa mga nasa pribadong sektor.

“Subsidy sana for the private school teachers, most especially private school teachers are receiving very low salary except for those in big universities,” aniya.

“Actually sa mga small schools in the provinces like Benguet, the salary in private schools are really very low,” patuloy ng guro.

“Sana we will be given the chance na… Equal benefit with public schools so there wouldn’t be any discrimination from public school and private schools.”

Daan-daang guro ang lumahok sa Konsyerto sa Palasyo sa harap ng Mabini Hall, na kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month.

Dumalo rin sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa event kung saan tampok ang theater artists, local singers, at rappers.

Sa temang, “Konsyerto sa Palasyo: Para sa Mahal Nating mga Guro,” nilalayon ng event sa Kalayaan Grounds na pasalamatan ang mga guro sa kanilang dedikasyon sa trabaho.

“To really honor our teachers, increase teachers’ salaries now! Hindi concert ang makakapagpasaya sa mga guro. Re-channel confidential and intelligence funds to salary hikes for teachers,” giit ng Alliance of Concerned Teachers-Philippines. RNT/SA