Home NATIONWIDE Confidential, intel funds ni Sara mas malaki pa sa DND, NICA –...

Confidential, intel funds ni Sara mas malaki pa sa DND, NICA – solon

Matinding pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang multi-milyong confidential at intelligence funds ni Vice President Sara Duterte sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) na mas malaki sa ahensiyang nangangailangan ng naturang pondo.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros sa deliberasyon ng badyet ng OVP at DepEd, na may malaking pagkakamali kung mas malaki ang CIF ni Duterte sa Department of National Defense (DND) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ibang ahensiya na may pangunahing tungkuli na kumalap ng intelligence at pagpapatupad ng batas.

Tinukoy ni Hontiveros sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Finance ng panukalang P2.3-billion budget sa 2024 ng OVP nitong Lunes, September 4.

Humihingi si Duterte ng P500 milyon budget bilang confidential funds sa ilalim ng P5.768-trillion national budget sa susunod na taon..

“There is something fundamentally wrong when the OVP alone has a confidential fund of half a billion pesos while the NICA itself, which is the government’s primary intelligence arm, has confidential and intelligence funds of only P341.2-million,” ayon kay Hontiveros.

“Alam naman natin kung kanino talaga dapat napupunta ang confidential at intelligence funds – sa DND, NICA at iba pang responsable para sa national security, law enforcement at border protection,.” Dagdag pa niya.

Sa deliberasyon, inihayag ni Duterte na maaaring tumakbo ang kanyang tanggapan nang walang confidential funds.

Pero, iginiit ni Duterte na kailangan ng CIF ng OVP upang matiyak ang “safe, secure and successful” ng lahat ngprojects at programa ng kanyang tanggapan.

Aniya, ginamit ang confidential funds sa libreng sakay kahit may hiwalay na programa ang Department of Transportation , tree planting ng Department of Environment and Natural Resources, at iba pang programa na walang kaugnayan sa seguridad.

Sinusugan naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pananaw ni Hontiveros dahil may hiwalay na programa ang Department of Transportation (DOTr) ng “Libreng Sakay Program” na pinoponsohan ng national government.

“How is this different and how is it being synchronized with the DOTr’s point-to-point program… I just want to understand how these two programs are working together,” giit ni Gatchalian.

Bukod sa libreng sakay, nagsasagawa din ang OVP ang tree planting activities at feeding programs.

Ngunit, ipinaliwanag ni Hontiveros na hindi sakop ng listahan ng programa sa ilalim ng confidential funds ang ginagawa ni Duterte alinsunod sa itinakda ng Commission on Audit-Department of Budget and Management (COA-DBM) Joint Circular No. 2015-01.

“As important as free bus rides and tree buildings are, these are not projects involving national security for which confidential funds should be used,” aniya na tumutukoy sa proyekto na pinopondohan ang ilang ahensiya.

Dahil dito, hinikayat ni Hontiveros ang kasamahan sa komite sa pamumuno ni Senador Edgardo Angara na sundin ang pangako ni Duterte na kaya nitong ipatupad ang tungkulin kahit walang daang milyong confidential funds. Ernie Reyes