Home OPINION CORDS NI SEC GATCHALIAN

CORDS NI SEC GATCHALIAN

INIWAN sandali ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang kanyang pagiging kalihim ng kagawaran at ginampanan muna ang kanyang papel bilang Cabinet Officer for Regional Development and Security  ng Central Luzon noong ikalawang linggo ng Pebrero taong kasalukuyan.

Pinulong at pinangunahan ni Secretary Gatchalian ang lahat ng napabibilang sa Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng Region III o Central Luzon sa Royce Hotel, sa Clark Freeport Zone,  Pampanga, noong Huwebes, Pebrero 8.

Ito ay para pag-ibayuhin ang pakikiisa ng mga tinatawag na stakeholders ng RTF-ELCAC sa rehiyon upang pangalagaan ang kapayapaan at kaunlaran sa Central Luzon.

Ang pagpupulong, aniya, ay nagsasantabi muna sa kanilang mga posisyon bilang opisyal ng pamahalaan, kundi kasapi ng bawat komunidad sa rehiyon. Ito ang tunay na layunin ng pagtatatag ng pamahalaan sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict ng mga RTF-ELCAC na pinamamahalaan naman ng CORDS.

Sa ganitong paraan kasi, nagsasama-sama ang lahat ng sangay ng pamahalaan at mga kinatawan ng bawat lugar ng bawat rehiyon upang labanan ang paghari-harian ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Malinaw namang basag na ang pwersa ng CPP-NPA-NDF sa Central Luzon, kundi man, ay katiting na lamang ng bilang nito ang natitira. Kaya naman kinakailangang magsama-sama ang lahat para bigyang daan ang kapayapaan at kaunlaran sa lugar.

Sabi nga ni Secretary Gatchalian sa pulong na iyon, mahalaga ang pakikiisa ng lahat sa rehiyon upang hindi na makapormang muli ang CPP-NPA-NDF na matagal nang nanggugulo ‘di lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa.

Ang pagpupulong ng RTF-ELCAC ay ang plataporma ng bawat sangay ng pamahalaan upang ilahad ang mga plano nitong programang pangkaunlaran para sa rehiyon at maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga residente nito upang hindi na muling makubkob ng mga komunistang-terorista.

Dangan kasi, laging kahirapan ang isinisigaw na kadahilanan nitong CPP-NPA-NDF. Kung maipakikita ng pamahalaan ang malasakit nito sa pamamagitan ng RTF-ELCAC na pinamumunuan ng CORDS, wala nang poporma pang gaya ng CPP-NPA-NDF.

Mabuhay ka Sec. Gatchalian! Ikaw ang tunay na ehemplo ng CORDS. Sana lahat ng Cabinet Secretary na itinalagang CORDS sa kani-kanilang mga rehiyon ay maging gaya mo Sir.

Previous articleOUTSTANDING ‘BATANG KANKALOO’ HONORED ON CITYHOOD DAY
Next articleE-TRIKE, TRICYCLE, KULIGLIG AT KALABAW