MANILA, Philippines – Inaasahang makararanas ng “danger level” na heat index ang Coron, Palawan sa Huwebes, Marso 5, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na 5 p.m. bulletin nitong Miyerkules, sinabi ng state weather bureau na maaaring umabot sa 42°C ang heat index na maitatala ng synoptic station sa Coron.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa “danger” category ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C kung saan posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, at may panganib ng heat stroke kapag nagpatuloy ang pagkakalantad sa matinding init.
Ang heat index, na tinatawag ding “apparent temperature,” ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang air temperature at relative humidity.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na limitahan ang outdoor activities, uminom ng sapat na tubig, at magsuot ng magaan o preskong damit upang maiwasan ang heat-related illnesses. RNT