Home NATIONWIDE Crew ng barko nahulog sa dagat, nagkapira-piraso!

Crew ng barko nahulog sa dagat, nagkapira-piraso!

MANILA, Philippines- Nasawi ang isang tripulante ng MV Ocean Jet 888 nang hindi inaasahang madulas sa barko at Mahulog sa dagat nitong Biyernes ng umaga.

Sa impormasyon mula sa Philippine Ports Authority (PPA), agad nakipag-ugnayan ang Port Police Division ng port Management Office ng Bohol sa Philippine Coast Guard (PCG) makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa nawawalang crew ng MV Ocean Jet 888.

Alas-11:50 ng umaga nitong Pebrero 23 nang mangyari ang insidente.

Upang malaman ang tunay na nangyari, humingi ng tulong ang mga tauhan ng PCG sa PPA upang ma-review ang CCTV footage para matunton ang huling naging lokasyon ng biktimang tripulante.

Matapos ang pagbusisi sa mga CCTV sa pantalan, nalaman na hindi inaasahang nadulas at nahulog sa dagat ang crew bandang alas-11:06 ng umaga.

Nagsagawa ng search operation sa karagatan ang PCG habang ang mga tauhan ng PPA, port terminal operator na Globalport Bohol Terminal Inc., at Ocean Jet ay iniisa-isa naman ang lahat ng sulok ng fastcraft berth.

Bandang alas-12:20 ng tanghali nang tumambad ang ilan sa mga parte ng katawan ng biktima na hinihinalang napulupot sa elesi ng barko.

Makalipas ang ilang oras ng paghahanap, ilang parte pa ng katawan ng crew ang natagpuan ng PCG.

Nakipag-ugnayan na ang PMO Bohol sa kompanya ng nasabing barko para sa kaukulang aksyon sa nangyaring insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleALAMIN: Mga kalsadang apektado ng road repairs sa Peb. 23-26, 2024
Next articleParusa sa e-bikes, e-trikes sa nat’l roads sinisilip ng MMDA